MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na lubha siyang nababahala sa isinasagawang paniniktik ng administrasyon sa pamamagitan ng tapping ng kanyang cellphone sa nakalipas na ilang buwan.
Sa pahayag, sinabi ni Dela Rosa na alam niya na naka-tapped ang kanyang cellphone, pero hindi niya alam kung aling ahensiya ng gobyerno ang naniniktik sa kanya.
“If you are worried that your phone is being tapped or monitored, I am also worried with my cellphone. I’ve been a police officer; I know my phone is being tapped right now. I am very sure of that,” ayon kay Dela Rosa sa pahayag.
Aniya, hindi niya nalalaman kung sino ang naniniktik sa kanyang cellphone o kung anong teknolohiya ang ginagamit upang mapakinggan ang kanyang pananalita sa cellphone.
“Pero I know, feel na feel ko na tina-tap ‘yung cellphone ko for a couple of months now. Kung sino ang may capability niyan, I just don’t know kung sino, but, I am sure. I am pretty sure,” aniya.
Lumitaw ang alegasyon matapos ihayag ni Kingdom of Jesus Christ legal counsel Israelito Torreon na may nakikinig sa kanyang “phones,” sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs nitong Lunes.
“There must be court orders for the installation of listening devices. We have reasons to believe that even our ‘I love yous’ to our wives and our secret conversations on our phones are being listened to,” ayon kay Torreon.
Iniimbestigahan ng komite ang sinasabing excessive force na ginamit ng awtoridad sa pagsisilbi ng arrest warrants laban kay KOJC Pastor Apollo Quiboloy. Ernie Reyes