Home HOME BANNER STORY P41M withdrawal ni Carpio sa loob ng isang oras kinwestyon

P41M withdrawal ni Carpio sa loob ng isang oras kinwestyon

1
0

MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Senator-Judge Francis “Kiko” Pangilinan ang tiyempo ng ₱41 milyong cash withdrawal at check encashment mula sa mga account ni Atty. Manases Carpio noong Agosto 6, 2024.

Nangyari ito anim na araw matapos maghain ng reklamong drug smuggling laban sa kanya at wala pang tatlong linggo matapos magkabisa ang pagbibitiw ni Vice President Sara Duterte bilang education secretary.

Sa impeachment trial, tinanong ni Pangilinan si forensic financial analyst Atty. Alexander Cabrera kung ano ang nangyari noong panahong iyon.

Nagkabisa ang pagbibitiw ni Duterte noong Hulyo 19, 2024. Noong Hulyo 31, inihain ni dating Senador Antonio Trillanes IV sa Department of Justice ang reklamong drug smuggling laban kay Carpio at iba pang respondent. Sumunod ang mga transaksiyon sa bangko noong Agosto 6.

Ayon sa Table 24 na iprinisinta ni Cabrera sa impeachment court, anim na transaksiyon na may kabuuang ₱41 milyon ang naganap noong Agosto 6, 2024. Nagsimula ang una nang 12:05:04 ng tanghali at natapos ang huli nang 1:17:56 ng hapon, o sa loob ng isang oras, 12 minuto at 52 segundo.

Dalawa sa mga ito ay transaksiyon sa BDO na ₱8 milyon at ₱15 milyon. Apat naman ang withdrawal sa PNB na ₱5 milyon, ₱3 milyon, ₱5 milyon at ₱5 milyon.

Wala pang dalawang minuto ang pagitan ng unang dalawang transaksiyon. Tatlong withdrawal sa PNB ang sumunod sa pagitan ng 12:21 at 12:23 ng tanghali, at ang huling ₱5 milyong withdrawal ay naitala pasado 1:17 ng hapon.

Kinumpirma ni Cabrera na kay Carpio ang mga account.

Tinanong din ni Pangilinan ang sabay-sabay na pagsasara ng apat na safety deposit box na may numerong 27, 28, 29 at 30.

“All boxes were closed on January 7, 2025,” ani Pangilinan.

Kinumpirma ni Cabrera ang petsa ng pagsasara, pero nilimitahan niya ang masasabi niya tungkol sa laman nito.

“Hindi ko alam kung anong laman doon,” ani Cabrera.

Nang tanungin kung ano ang karaniwang iniimbak sa safety deposit box, binanggit ni Cabrera ang mga mahahalagang bagay, dokumento at gamit na may sentimental na halaga. Tinanong ni Pangilinan kung maaari ring itago roon ang cash.

“Theoretically pwede po,” sagot ni Cabrera.

Hindi ito natuklasan na may cash sa mga box. Hindi rin natukoy sa pagtatanong ang laman nito o kung may kaugnayan ang pagsasara sa mga withdrawal noong Agosto.

Tinanong din ni Pangilinan ang paulit-ulit na manager’s check na ipinangalan mismo sa may-ari ng account.

“You issue the manager’s check to yourself and then you do it 12 times in a period of 3 years?” paliwanag ni Cabrea.

Ikinumpara niya ito sa manager’s check na ipinangalan sa ibang tao, tulad ng nagbebenta ng ari-arian. Tinanong niya kung nakakita na si Cabrera ng ganitong paulit-ulit na gawain.

“Well, honestly po, first time ko po na nakita po yun,” sagot ni Cabrera.

Ipinaliwanag ni Cabrera na hindi binubura ng paggawang manager’s check ang pananalapi ng may-ari. Aalis ang pera sa deposit account, pero may karapatan pa rin ang may-ari laban sa bangko.

“Ibig sabihin po noon yung banko may utang sa inyo. So kung may utang sa inyo yung banko meron kang receivable,” sabi niya.

Ang receivable ay perang utang sa isang tao. Ayon kay Cabrera, asset pa rin ito kahit hindi na lumalabas bilang cash sa account, at dapat itong lumabas sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Sumang-ayon siya nang itanong ni Pangilinan kung bahagi pa rin ng net worth ang mga receivable.

Samantala, tinawag na “unusual” ng financial analyst ang P41 milyon na cash withdrawal na ginawa sa loob ng 1 oras at 13 minuto mula sa account ni Carpio dahil kulang umano ito sa malinaw na bakas ng transaksyon.

Tinanong kasi siya ni Senador Risa Hontiveros tungkol sa transaksyon noong Agosto 6, 2024 na nakalista sa Table 24, pahina 18 ng kanyang forensic report.

“Sa ordinaryong tao po, unusual po, 41 million in cash, kailangan nyo po siyempre ng bag po doon and parang may hinahabol po eh kasi lahat po ginawa within the hour po,” sabi ni Cabrera.

Ayon kay Cabrera, parehong account ni Carpio ang pinaggalingan at pinaglipatan ng pera. Paliwanag niya, ang pag-withdraw ng malaking halaga nang cash imbes na gumamit ng manager’s check o bank transfer ay maaaring senyales ng pag-iwas na makaiwan ng transaction trail.

“So kung wala pong trail, ito po sa amin yung mga telltale signs din po sa forensic investigation e,” ani Cabrera.

“Pagka po yung mga transactions po kulang sa trail, kulang po sa record, wala pong document evidencing it pero nangyari po yung transaction, yung pong walang document nangyari yung transaction, evidence din po yun eh,” dagdag niya.

Tinanong ni Hontiveros kung ano ang posibleng dahilan ng tila pagmamadali sa pag-withdraw na umabot sa P41 milyon sa loob ng wala pang dalawang oras.

Sinabi ni Cabrera na sinuri ng kanyang grupo ang timestamp ng mga transaksyon at napansin na magkakalapit ang oras nito, at ang huling withdrawal ay ginawa pa matapos ang lunch break.

“Nag-lunch muna, tapos kinuha po yun… kaya sabi namin parang may hinahabol kasi right after lunch tuloy yung transaction. Matagal din po kasi magbilang ng 41 million,” paliwanag niya. Ernie Reyes/Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here