Home HOME BANNER STORY Unexplained wealth ni VP Sara posibleng umabot sa P1.5B

Unexplained wealth ni VP Sara posibleng umabot sa P1.5B

1
0

MANILA, Philippines – Maaaring umabot sa P1.5 bilyon ang unexplained wealth ni Vice President Sara Duterte mula nang manungkulan siya noong 2022 hanggang 2025, ayon sa forensic accounting expert ng prosekusyon na si Alexander Cabrera sa Senate impeachment court.

Halos doble ito ng P817.87 milyong natukoy sa orihinal na forensic report ni Cabrera.

“Less than 1.6 [billion pesos] po ‘yun, mga 1.5 [billion pesos] po,” sabi ni Cabrera nang hilingin ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na linawin ang posibleng pinakamataas na halaga.

Tinanong din ni Escudero kung sakop ng halaga ang apat na taon nang hindi nadodoble ang bilang.

“Opo. Magkakaiba po ang amount sa kada taon. ‘Pag sinuma-total n’yo, ‘yun ang magiging ceiling,” sagot ni Cabrera, ang huling testigo ng prosekusyon.

Sa ika-38 araw ng paglilitis, ipinaliwanag ni Cabrera na konserbatibo ang kanyang orihinal na pagsusuri sa mga financial record nina Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Binanggit niya ang P475 milyong confidential funds na hindi niya isinama, humigit-kumulang P100 milyong karagdagang financial discrepancy, at posibleng mas mataas na halaga sa GenCorp Industries Inc., kompanyang iniuugnay sa mag-asawa.

Sinuri rin ni Escudero kung magkano ang matitira sa orihinal na natuklasan kung aalisin ang mga halagang iniuugnay sa tatlong kompanya.

Ayon sa kanyang kuwenta, P212.63 milyon ang sa GenCorp, at P142.20 milyon naman ang sa Cale88 Foods Corp. at Metro City Chow Foods Corp. Kapag inalis ang tatlo, P463.05 milyon pa rin ang matitirang unexplained wealth, batay sa iba pang financial record tulad ng bank account at insurance policy.

Samantala, nagpahayag ng kasiyahan ang House prosecution sa pagprisinta nito ng ebidensiya laban kay Duterte sa ilalim ng Article II ng impeachment case o unexplained wealth.

“We have finished with the presentation of our Article II, and from our perspective, I am very happy that we have done the job that we set out to do,” ani House prosecutor at Akbayan Rep. Chel Diokno sa post-trial press briefing.

Nauna nang iprinisinta ng prosekusyon ang mga bank executive, kinatawan ng insurance company at opisyal ng gobyerno para suportahan ang mga paratang tungkol sa mga transaksiyon, ari-arian at business interest ni Duterte.

Ayon kay Diokno, inaasahang lilinawin ng korte sa Martes ang mga natitirang pamamaraan bago pormal na mag-rest ang prosekusyon.

“It will all be clear, I believe, tomorrow, when all the administrative matters are taken up,” ani Diokno.

Inamin niyang may mga isyu pang hindi nareresolba tungkol sa iba pang articles, kabilang ang posibilidad na ipatawag si Duterte para tumestigo.

Ipinaliwanag ni Diokno na kapag nag-rest ang prosekusyon, karaniwang susunod ang pormal na pag-aalok ng ebidensiya, ang sagot ng depensa at ang pasya ng korte.

“So malalaman siguro natin ‘yan bukas kung paano na ‘yung takbo ng mga susunod na hearing,”paliwanag nito.

Ipinaalam na rin ng prosekusyon sa korte ang balak nitong bawiin ang Article III, na tungkol sa bribery, para maiwasan ang di-kinakailangang pagpapahaba ng paglilitis.

Ayon kay Diokno, wala siyang nakikitang pagbabago sa nakatakdang iskedyul. Magpapatuloy ang mga pagdinig hanggang Huwebes, Oktubre 15, bago ang break hanggang Nobyembre 9. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here