MANILA, Philippines – KINILALA ng Department of Education (DepEd) ang limang estudyante para sa kanilang katapangan at achievements sa isang international competition.
Sa katunayan, ginawaran ng departamento ang 14-taong gulang na estudyante na si Bryan Ezel Pamonag ng DepEd Heroes Award para sa kanyang katapangan sa school shooting sa Banga National High School sa Banga, South Cotabato noong nakaraang Setyembre 18, 2026.
Kahit nasugatan sa braso, ikinandado ni Pamonag ang pintuan ng silid-aralan at humarang sa bintana para ligtas na makatakas ang kanyang mga kaklase.
“Ang katapangan ni Bryan ay nagbibigay inspirasyon, ngunit paalala rin ito ng ating pananagutang tiyakin na ang bawat bata ay may ligtas na kapaligiran na malaya silang matuto, mangarap, at maabot ang kanilang buong potensyal,” ang sinabi ni Education Secretary Sonny Angara sa kanyang talumpati.
“Ang award na ito ay hindi na lamang para sa sarili ko. Inaalay ko po ito para sa kanila, sa kanilang pamilya, at sa buong Banga National High School,” ang sinabi naman ni Pamonag.
“Salamat po dahil pinatunayan ninyo na kahit 14 years old pa lamang ako, hindi ako nag-iisa. Ang award na ito ay para sa katatagan sa pagbangon nating lahat,” aniya pa rin.
Kinumpirma naman ng mga awtoridad na may tatlong bata kabilang na ang namaril ay nasawi kasunod ng pamamaril sa Banga.
Sa kabilang dako, ginawaran din ng departamento ng kauna-unahang DepEd Achievers Award ang apat na estudyante na nanalo sa Spelling Bee, Debate, at Knowledge Quiz categories sa TeenEagle English Global Finals sa London, United Kingdom, noong nakaraang Hulyo.
Ang mga estudyante ay sina Jamil Oumar Hataman, Mateo Antonio Sarandi, Prince Akram Qayum, at Mysha Mahreen Macabuat ng Fountain International School sa San Juan City.
Sinabi ni Angara na ang award ay pagbibigay-pugay din sa mga magulang at school communities, na tumulong sa mga estudyante na makamit ang kanilang pagkilala.
“This award is also a tribute to parents and school communities, a testament to what we are all capable of achieving together,” ang sinabin ni Angara.
Samantala, inilarawan naman ni Macabuat ang international competition bilang isang “formative experience” na hamon sa kanila na “look beyond the classroom.”
“Attending and winning an international competition was a formative experience that challenged us as learners to look beyond the classroom and recognize what dedication and perseverance can culminate into,” ang tinuran ni Macabuat. KRIS JOSE