Manila, Philippines – Matapos ma-cite in contempt ay agad na inilagak sa HRep Custodial Center ang isang “incorporator” ng Lucky South 99 na dumalo sa pagdinig ng House Committee on Public Safety and Order at Committee on Games and Amusement na nag-iimbestiga sa paglaganap ng iligal na aktibidad na kinasasangkutan ng mga tiwaling Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Si Ronelyn Baterna ay kinuwestyon sa pagdinig ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. kung siya ba ay pinilit na gawing incorporator ng Lucky South 99.
Ngunit agad itong itinanggi ni Baterna sa pagsasabing ang trabaho niya lamang ay primarily clerical at hindi niya alam na siya ay incorporator.
“Wala po talaga akong alam kasi ang instruction po sa akin dagdag lang po siya sa trabaho ko,” sagot ni Baterna.
Dahil sa hindi tuwirang pag-amin ni Baterna at lantarang pagsisinungaling ay agad siyang na-cite in contempt ng joint panel at sa patuloy na pagtangging ilahad kung sino ang tunay na may-ari ng Lucky South 99.
Si Baterna ay mananatili ng 30 araw sa HRep Custodial Center.
Sa nabanggit ding pagdinig ay agad isinulong ni Committee on Games and Amusement Chair at Cavite Rep. Antonio Ferrer na i-monitor ang mga dayuhan sa bansa, ang proactive local government actions, mas mahigpit na SIM registration at ang posibilidad ng pag-amienda sa Executive Order No. 13 na naglalatag ng regulasyon at paglilisensya sa mga online gambling at online gaming facilities.
Ang motu proprio inquiry ay ikinasa ng House Committee on Public Order and Safety na pinamumunuan ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez at Games and Amusement Committee upang matukoy ang pagdami ng criminal activities na nauugnay sa POGO.
Samantala, binigyang diin naman sa pagdinig ni Fernandez ang naging panawagan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na magkaroon ng inventory management at tamang agency oversight upang maingatan ang mga POGO facilities at equipment habang isinasagawa ang mga pagdinig at matukoy din ang posibleng suhulan sa mga elected officials.
“We can see a pattern of bribery in the highest form to betray the Filipino people, attempting to kill the sovereignty of this nation at ibenta ang ating kalayaan. Illegal drugs and human rights violations must be investigated thoroughly,” dagdag ni Fernandez.
Kinuwestyon ni Batangas Rep. Gerville Luistro si Atty. Harry Roque ukol sa nilagdaang EO 13 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa “online gaming.”
Ngunit sinabi ni Roque na hindi pamilya sa EO 13 dahil ang kaniyang expertise ay sa international law sa pagsasabing “my only knowledge of EO 13 was in the last hearing when former Chair Domingo said that President Duterte regulated online gambling.”
Binigyang diin ni Luistro ang prinsipyo ng “separation of powers” na nagpapaliwanag na kung ang batas na lumikha sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) walang prbisyon ukol sa online gaming ay hindi dapat ito nabanggit sa alinmang executive orders.
Aniya, ang terminong “online gaming” ay hindi bahagi ng batas na ipinanukala at ipinasa ng Kongreso lalo na ang Republic Act 9487, o ang amienda sa PAGCOR Charter.
“When the President issued EO 13, it is the humble submission of this representation: he legislated, he amended, he repealed the law. An act which violates the fundamental principle of the separation of power,” giit pa ni Luistro. (Meliza Maluntag)