Home NATIONWIDE Congressional Medal of Excellence igagawad ng Kamara kay Yulo

Congressional Medal of Excellence igagawad ng Kamara kay Yulo

Manila, Philippines – Ginawaran ng Congressional Medal of Excellence ang double-gold Olympic medalist na si Carlo Edriel Yulo.

Ito ay matapos makasungkit ang atleta ng dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics. Ang Congressional Medal of Excellence, ang pinakamataas na parangal na ibinibigay ng Mababang Kapulungan sa mga natatanging Pilipino sa larangan ng sports, pagnenegosyo, medisina, agham, at sining at kultura.

Ang pagbibigay gawad ay nakapaloob sa House Resolution (HR) No. 1864 na inaakda nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” D. Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jay-Jay” C. Suarez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Minority Leader Marcelino C. Libanan, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos, at Tingog Partylist Reps. Yedda K. Romualdez at Jude A. Acidre.

“Caloy Yulo is truly one of the greatest Filipino athletes of all time, earning the country not only one but two gold medals in the Olympics. Ang kanyang tagumpay ay tagumpay ng bawat Pilipino, at napalaking karangalan ang kanyang hatid sa Pilipinas,” ayon kay Romualdez.

Si Yulo na kilala rin sa tawag na Caloy ay nagwagi sa men’s artistic gymnastics floor exercise at men’s vault apparatus sa 2024 Paris Summer Olympics na ginanap sa Bercy Arena, Paris, France kung saan naungusan nito sa iskor ang datingTokyo Olympic champion na sina Artem Dolgopyat ng Israel at Jake Jarman ng Great Britain.

“It is such an extraordinary feat that should be emulated by all of us. Hindi man lahat tayo ay Olympic material, pero tinuruan tayo ni Caloy Yulo na sa tamang pagpupursige ay maaabot din natin ang ating mga pangarap hindi lamang para sa sarili pati sa ating pamilya, komunidad at bansa.”

Si Yulo na lumaki sa Malate, Manila ay napapanood ng mga pangunahing gymnasts sa Rizal Memorial Sports Complex, ang lugar kung saan din niya sinimulan ang kanyang gymnastic career nang sumali sa Gymnastics Association of the Philippines sa edad na walo taong gulang.

“Before his feat in the 2024 Paris Summer Olympics, Carlos Edriel Yulo was a gold medalist in the vault event at the men’s apparatus finals and a silver medalist in the parallel bars event during the 50th Federation Internationale de Gymnastique (FIG) Artistic Gymnastics World Championships,” ayon naman sa nilalaman ng pinagtibay na resolusyon.

Magugunitang noong 30th Southeast Asian Games na ginanap sa Pilipinas noong Disyembre 2019 ay nakasungkit din si Yulo ng dalawang gintong medalya at limang silver medal. Siya rin ang kauna-unahang lalaking Southeast Asian at kauna-unahang Pilipino na nanalo ng gintong medalya sa floor exercise event ng 49th FIG Artistic Gymnastics World Championships na ginanap sa Hanns-Martin-Schleyer-Halle sa Stuttgart, Germany.

“For his remarkable victory and exceptional performances at the 2024 Paris Summer Olympics that brought great honor and glory to the country while showcasing the magnanimity of a Filipino athlete, Carlos Edriel P. Yulo deserves utmost recognition and commendation,” ayon pa rin sa resolusyon.

Si Yulo ay bibigyan ng Kamara ng kopya ng pinatibay na resolusyon. (Meliza Maluntag)