MANILA, Philippines- Sinabi ng Bataan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) nitong Linggo na nakikipag-ugnayan na ito sa insurance company ng MT Terranova upang iproseso ang claims ng mga residenteng naapektuhan ang kabuhayag ng malawakang oil spill dulot ng lumubog na barko.
Sa isang panayam, sinabi ni Bataan PDRRMO head Arvin Catipon na tinitiyak ng kanilang legal team na mahaharap ang mga barkong responsable sa oil spill sa kaukulang parusa sa nangyari, kabilang ang pagbibigay ng kompensasyon sa mga apektado.
“Regarding sa claims, may ugnayan na kami sa DOTr Maritime Group…para matulungan kami doon sa pagpa-process ng claims, katulad ng ginawa nila na pagtulong noong panahon ni Princess Empress,” ani Catipon, tinutukoy ang MT Princess Empress na lumubog noong Pebrero 2023 sa Naujan, Oriental Mindoro habang karga ang 900,000 litro ng industrial fuel.
“Meron na rin kaming direktang komunikasyon at koordinasyon doon sa insurance company mismo ni Terranova,” dagdag niya.
Isang indibidwal ang nasawi matapos tumaob ang Terranova, isang motor tanker, at magdulot ng oil spill sa bayan ng Limay, Bataan noong Hulyo 24 ng umaga.
“‘Yung sa pagde-deklara ng mga fisherfolks natin o iba pang indirektang naapektuhan ng amount ng kanilang kinikita, the team from the insurance will do an assessment. Sabi naman po, katulad ng nangyari sa Princess Empress dati, either ibibigay buo o actual na kine-claim na amount na per day na sahod o kinikita nila or mas mababa lang ng onti na ibibigay,” paliwanag ni Catipon.
Sa kaso ng Cavite, inihayag ng lokal na pamahalaan nito na isinusulong nito ang hindi bababa sa P10 milyong kompensasyon mula sa mga may-ari ng MT Terranova para sa epekto ng oil leak sa kabuhayag ng mga residente.
Noong Martes, itinanggi ng may-ari ng MT Terranova ang mga alegasyon na sangkot ang tanker sa oil smuggling o “paihi.”
Ito ay kasunod ng pahayag ng Department of Justice (DOJ) na iniimbestigahan nito kung sangkot ang tanker sa anumang ilegal na aktibidad habang nasa dagat. RNT/SA