Home OPINION SERBISYO NG PHILHEALTH, MAS PINALAWAK

SERBISYO NG PHILHEALTH, MAS PINALAWAK

ANG medical profession, na kinabibilangan ni Dr. Tony Leachon, ang numero unong kritiko ng PhilHealth excess funds transfer, ay ginagabayan ng kasabihan na “primum non nocere” o “first, do no harm” sa English. Hindi lang nakatali sa apat na sulok ng mga ospital ang prinsipyong ito dahil ang sinomang pinagkatiwalaang mahawakan ang kapakanan ng publiko, tulad ng isang doktor, ay dapat na laging inuuna ang kapakanan ng kanyang mga pinagsisilbihan.

Pero itong si Doc Tony, imbes na makatulong sa paggamot ng mga sakit ng lipunan ay tila nakapagpapalala pa, lalo’t malabnaw ang kanyang mga argumento laban sa paggamit ng pamahalaan sa idle funds ng government-owned and controlled corporations tulad ng Philippine Health Insurance Corporation.

Ang pinag-uusapang halos P90 bilyon mula sa PhilHealth ay sobrang pondo o hindi nagalaw na alokasyon mula sa national government at hindi ito kontribusyon ng mga miyembro. Sa totoo lang, may P500 bilyong reserba ang PhilHealth para sa mga benepisyo ng mga miyembro sa mga susunod na taon.

Hindi maaapektuhan nang paglilipat ng pondo ang operasyon ng PhilHealth at sa katunayan, palalawakin pa nito ang mga serbisyo nito para sa mga Pilipino. Isang halimbawa rito, ang bilang ng generic drugs para sa outpatient treatments ay magiging 53 na mula sa 21 lang at kabilang dito ang mga gamot kontra hypertension, nerve pain, at epileptic seizures.

Dodoblehin pa ng PhilHealth ang benepisyo para sa mga pasyenteng may stroke at pneumonia kung saan makakukuha na sila ng coverage na hanggang P76,000. Karaniwan at lubhang delikado ang mga sakit na ito kung kaya napapanahon ang magandang balitang ito mula sa health insurer.

Magiging P1.4 milyon na rin ang coverage limit para sa paggamot sa breast cancer mula sa dating P100,00 lang o 1,000% na pagtaas. Napakalaking kaluwagan nito sa sinomang pamilya na may miyembro na may breast cancer dahil nakababangkarote ng pinansiyal ng tahanan ang mga ganitong klaseng karamdaman.

Ayon kay Mandy Ledesma, president at chief executive officer ng PhilHealth, isasama na rin sa coverage ng chemotherapy para sa lung, liver, ovarian, at prostate cancers bago magtapos ang 2024.

Dahil sa mga ito, lalong lalawak pa ang mga serbisyo ng PhilHealth laban sa mga nakamamatay na sakit  bukod pa sa mamamayang Pilipino ang magbebenepisyo rito.

Ito ang malaking larawan na hindi nakikita ng mga kritiko na tulad ni Leachon. Sabi niya, mapipilayan ang PhilHealth dahil sa excess funds transfer at hindi na nito makakaya pang paglingkuran ang mga kasapi nito pero kabaligtaran ang nangyari at lalong pinaghusay pa ng PhilHealth ang pagseserbisyo nito.