Personal na iniabot ni PhilHealth President at Chief Executive Officer, Emmanuel R. Ledesma, Jr. ang ceremonial check na nagkakahalaga ng P239m kay Quezon City Mayor Joy Belmonte bilang bahagi ng suporta ng ahensiya sa pagpapalakas ng serbisyong medikal sa mga nasasakupan ng nasabing lungsod.
Tatlong ospital na pinatatakbo ng pamahalaang lokal ang tatanggap ng pinakamalaking bahagi ng pondo. Ang mga ito ay Quezon City General Hospital (P101.57M), Rosario Maclang Bautista General Hospital (P58.03M) at Novaliches District Hospital (P47.74M).
Ang iba pang health facilities ay makatatanggap din ng reimbursements, kasama rito ang Quezon City Molecular Diagnostics Laboratory (P11M), Quezon City – Social Hygiene (P10M), Quezon City – Klinika (P7M), at Quezon City – Lying-in Clinic (P98,000). Magkakaroon din ng P2M ang Quezon City Konsulta Health Centers para sa pagpapatupad ng Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta) package ng PhilHealth.
Kasama sa PhilHealth Konsulta Package ang targeted health risk screening at assessment, initial at follow-up consultation, mga piling laboratory test, at gamot batay sa rekomendasyon ng doktor kung saan nakarehistro ang miyembro at qualified dependents niya.
Ang mga laboratory at diagnostic procedure na pasok sa pakete ay complete blood count with platelet count, urinalysis, fecalysis, sputum microscopy, fecal occult blood, Pap smear, lipid profile, fasting blood sugar, oral glucose tolerance test, electrocardiogram, creatinine at HbA1c. Samantala, kabilang sa mga gamot na kasama ang anti-microbial, anti-asthma, antipyretics, anti-dyslipidemia, anti-diabetic, at anti-hypertensive, kabilang ang fluids at electrolytes, anti-thrombotic, at anti-histamines.
Malaki ang maitutulong ng maagang pagkakaalam ng sanhi ng problema sa kalusugan para maiwasan ang paglala pa ng kondisyon.
Ang mga residenteng nakarehistro sa Quezon City Konsulta Health Centers ay maaaring mag-avail ng konsultasyon, health screening at assessment, mga gamot at laboratoryo.
Ang ceremonial turnover ay ginanap kasabay ng LAB for All event kamakailan sa Risen Garden sa Quezon City.






