MANILA, Philippines – HINDI nakaaapekto ang mga usaping pampulitika sa mga ginagawa ng bansa para lumago ang ekonomiya.
Sa katunayan ayon kay Department of Finance (DOF) Undersecretary Domini Velasquez, Bagama’t patuloy na lumalakas ang ingay sa political arena ay hindi naman humina ang ‘investor confidence.’
Ang paliwanag ni Velasquez nagagawa ng mga investors na ihiwalay ang ekonomiya mula sa political issues.
“Actually, matagal nang mukhang hindi masyadong naaapektuhan. Nadi-differentiate ng mga investors iyong economic versus iyong political,” ayon kay Velasquez.
Tinukoy ni Velasquez ang kamakailan lamang na credit rating upgrade ng bansa mula sa largest credit rating agency ng Japan ngayong linggo, pinagtibay nito ang lumalaki at lumalakas na ekonomiya ng bansa.
In-upgrade ng Rating and Investment Information, Inc. (R&I) ang credit rating ng Pilipinas sa “A-” na may stable outlook mula “BBB+” noong nakaraang taon.
Sa kasalukuyan, hawak ng Pilipinas ang “A-” rating mula sa Japan Credit Rating Agency (JCR), “BBB” mula Fitch Ratings, “Baa2” mula Moody’s Ratings, at “BBB+” mula Standard & Poor’s (S&P) Global Ratings.
Ani Velasquez, ang pag-angat sa walong milyong Filipino mula sa kahirapan sa 2028 ay ‘doable’. Idagdag pa rito ang potensiyal ng bansa na maging “upper middle-income country” gaya ng Indonesia sa susunod na taon.
“So, actually, mag-i-increase ng mga aalisin natin sa mahihirap – mga eight million mga kailangan natin, eight million alisin by 2028. Doable naman iyon,” ang winika ni Velasquez.
Aniya pa, lumago ang Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas ng 6.3% sa second quarter mula 5.8%.
“Unemployment is also 3.1 percent lower than the 5.1 percent during the pre-pandemic,” ang tinuran nito.
Samantala, tiniyak naman ni Velasquez na “on track” ang administrasyong Marcos na ibaba ang poverty rate sa single digit sa 2028. Kris Jose