IPINAHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkaka-aresto ng kanilang mga tauhan sa tatlong puganteng Chinese nationals na wanted dahil sa mga kasong kriminal na kanilang kinkaharap dito sa bansa gayundin sa China.
Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na inaresto ang mga dayuhan noong Agosto 13 sa Bgy. Tambo, Parañaque City ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng BI. Kinilala ang mga ito na sina Jun Chen, 28; Hongru Zhang, 26; at Hao Zhen, 27.
Inihayag ni Tansingco na armado ang arresting team ng isang mission order na kanyang inilabas sa kahilingan ng Chinese government na nagpaalam sa BI tungkol sa presensya ng mga pugante sa bansa.
Binigyang-diin ng BI chief na hindi pa maaaring i-deport ang tatlo dahil nahaharap pa sila sa kasong kriminal para sa robbery, grave coercion, illegal detention, gun possession, at illegal drugs trading na isinampa ng pulisya laban sa kanila sa Parañaque City prosecutor’s office.
“They can only be deported after the criminal cases against them are resolved and, if convicted, they will have to first serve their sentence in jail,” paliwanag ni Tansingco.
Ang mga kasong kriminal ay isinampa matapos iligtas ng mga pulis ang isang Vietnamese national na kinidnap at iligal na ikinulong ng nasabing mga Chinese nationals.
Ayon sa BI-FSU, dalawa sa tatlong Chinese national ang subject ng arrest warrant na inisyu ng public security bureau sa Jinjiang, China habang ang isa ay overstaying alien.
Nabatid na ang tatlo ay mga undocumented alien na ngayon dahil ang kanilang mga pasaporte ay kinansela na ng gobyerno ng China.
Ang mga naarestong dayuhan ay nasa pansamantalang kustodiya ng Parañaque police habang nakabinbin ang pagresolba sa kanilang mga kasong kriminal. Jay Reyes