MANILA, Philippines – Umaasa ang Philippine Coast Guard (PCG) na tatalakayin ng mga opisyal ng China ang posibleng bagong kasunduan sa West Philippine Sea pagkatapos ng pinakabagong tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Dalawang barko ng Pilipinas ang nagtamo ng matinding pinsala sa naganap na banggaan nitong Lunes ng madaling araw, Agosto 19 sa barko ng China na nagsagawa ng hindi makatarungan at agresibong maniobra malapit sa Escoda Shoal.
Sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na sana ay samahan sila ng China sa negosasyon para magkaroon ng mas maayos na pag-uusap.
Aniya, naging payapa naman ang kanilang pag-uusap sa Ayungin Shoal sa kabila ng mga insidente na nangyayari, na tinutukoy ang kamakailangang kasunduan ng dalawang bansa kaugnay sa resupply missions sa mga tropang sundalo ng Pilipinas na nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa ibat-ibang bahagi ng waterway.
Ayon kay Tarriela, sa kabila ng pinsalang natamo ng mga barko ng Pilipinas, naisagawa pa rin ang kanilang misyon at nasa Pag-asa Island.
Mula sa Pag-asa Island, magsasagawa ang PCG vessels ng resupply missions sa Parola Island, gayundin sa maritime features kung saan nakatalaga ang mga coast guard personnel.
Ang Pilipinas ay pumasok sa mga kasunduan sa China sa pag-asang mabawasan ang tensyon sa West Philippine Sea, bahagi ng mas malaking South China Sea na karamihan ay inaangkin pa rin ng Beijing sa kabila ng international court ruling na walang legal na basehan. Jocelyn Tabangcura-Domenden