PABABA nang pababa ang presyo ng karneng baboy habang pataas nang pataas naman ang sa manok at itlog dahil sa African Swine Fever.
Kabilang sa mga pinakahuling presyo ng karneng baboy ang nasa P350 kada kilo habang nasa P210 kada kilo ang farm gate o bentahang buhay ang baboy.
Ang manok naman, mula sa nasa P230 kada kilo, nasa P250 na dahil sa pag-iwas ng mga mamamayan sa karneng baboy.
Sumama na ang itlog sa manok at may P1 o mahigit nang dagdag sa bawat size na small, large at extra large.
Ang pulang itlog, mapapalundag ka sa presyo at maaaring maisipan mo ang bumili na lang ng extra large na nasa P10 bawat isa.
Pare-parehong pinagkukunan ng protina ang mga pagkain na ito.
Binubuo ang protina ng amino acids at ito ang nagpapatubo ng ating mga buto, laman, balat at iyong nasa pagitan ng ating mga buto. Katunayan, halos protina ang ating mga buhok at kuko.
Kung nasusugatan o nababalian tayo ng mga buto, protina rin ang nagre-repair sa mga ito.
May iba pang mahahalagang gamit ang protina kaya ganyan na lang kahalaga ang mga karne at itlog.
May iba pang pagkukunan ng protina gaya ng keso at isda pero kung meron tayo lagi ang lahat ng ito, kasama ang mga karne at itlog, magiging maganda ang ating kalusugan at pangangatawan.
Ang totoo, sobrang mahal na ang karneng baboy kaya marami na rin ang umiiwas o nagtitipid na bumili nito pero pinagkukunan nga natin ito ng protina.
Sana, maging mabilis at malawakan ang aksyon ng gobyerno laban sa ASF sa pamamagitan ng bakuna laban dito upang hindi malipol lahat ng baboy at magdepende na lang sa imported na tiyak na magmamahal.
Mabuti na lang din, hindi apektado ang kalusugan ng tao sa karneng may ASF kundi mga baboy lamang.