DAHIL sa may pagigiit na argumento si Senator Robin Padilla tungkol sa karapatan ng mga mister na laging mapagbigyan ng kanilang mga misis tuwing gusto nilang makipagtalik, nagmukha na naman siyang wala sa hulog at hindi karapat-dapat tawaging senador.
Mula sa kabilang bahagi ng session room, matiyagang ipinaliwanag sa kanya ng abogadong si Lorna Kapunan ang problemadong pinaghuhugutan ng kanyang mga katanungan.
Sa paraang kalmado at respetado, mistulang sinampal ng abogado si Sen. Binoy nang sabihin niya na ang isang lalaking pinipilit ang kanyang misis na makipagtalik, kahit pa tumanggi na ang babae, ay nangangailangan ng psycho-social counseling.
Kasunod nito, pinagsabihan niya ang hindi katalinuhang senador na ang Family Code ay isinulat noong 1988, at ang nakasaad doon na obligasyon ng misis na maging masunurin sa kanyang mister ay tinanggal na sa Konstitusyon; at sa halip ay pinalitan ng probisyon tungkol sa pagkakaroon ng respeto sa isa’t isa.
Sa susunod, kailangan sigurong mag-cold shower muna ang senador bago sumalang sa mga ganoong pagdinig. Ang pag-iisip niya, pagdating sa mga ganitong paksa, ay mistulang kailangang buhusan ng nagyeyelong tubig upang mapakalma ang disposisyon niyang pabor sa tawag ng laman.
Maging ang tinutumbok ng kanyang mga salita at ang naiisip niyang Tagalugin ang pinag-uusapan nila tungkol sa mga sekswal na bagay ay hindi katanggap-tanggap para sa mga pampublikong diskusyon.
Sa susunod na eleksyon, please lang, maging maingat sana tayo sa pagpili ng mga taong iuupo natin sa Kongreso. Okay na po sigurong minimum requirement ‘yung disente; ‘yung hindi nakakahiya at hindi bastos.
Nagulantang na ‘Bato’
Ikinagulat ni Sen. Ronald dela Rosa na ang mga tao na panay papuri noong kasagsagan ng giyera kontra droga at kontrobersiyal na “Oplan Tokhang” ng kanyang boss na si Rodrigo Duterte ang nagtuturo ngayon sa kanila at nag-aakusa ng paglabag sa karapatang pantao.
Pero, sa totoo lang, walang nakagugulat sa biglang pagbaligtad ng mga mambabatas. Tapos na ang panahon ni Duterte.
Tungkol naman kay Senator Pebbles, sabihin natin ‘yung halatado na: Kapag pinairal ang takot, sama-samang pumapalakpak ang mga tao, pero nagbubulungan naman kapag sila-sila na lang. Mistulang walang ideya rito ang former PNP Chief-turned-senator.
Ngayong nag-iba na ang ihip ng hangin, wala nang silbi pang batikusin ang tinatawag mong mga oportunista, Mr. Senator. Siguro, mas maiging gawin mo ngayon ay pag-isipang mabuti ang mga dahilan kung bakit isa-isa na silang dumidistansya.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).