PUSPUSAN ang kampanya ng pamahalaang Pilipinas para pauwiin na ang mga Pinoy na nasa Lebanon dahil sa tumitinding giyera sa pagitan ng Hezbollah at Israel at napipintong pag-atake ng Iran sa Israel.
Nagtutulungan ngayon ang Embahada ng Pilipinas sa Lebanon, Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administation para sa pagpapauwi ng mga Pinoy.
Diin ng pamahalaan, dapat isagawa na ang paglilikas habang bukas pa ang paliparan at may mga eroplano pang bumibiyahe papasok at palabas ng Lebanon.
Kapag nagsara ang paliparan, magiging pahirapan na ang pagbabakwit.
MALAMIG ANG TUGON
Ngunit tila malamig ang tugon ng higit na nakararaming Pinoy, kahit pa ang mga nasa South Lebanon, Beirut at Bekaa Valley na sakop na ng digmaan at malamang umanong makalalasap ng higit na bangis ng digmaan sa mga darating na araw.
Mas gusto umano ng mga Pinoy na manatili roon kaysa umuwi na alanganin na ang mapapasukan nilang trabaho, mababa pa ang pasahod.
Problema pa ang sinasabi ng marami sa kanila na pag-uwi ng mga Pinoy, agad silang napapalitan din ng mga Pinoy na bunga ng napakarami umanong undocumented o iligal ang pagpasok sa Lebanon.
Hindi na sila makababalik pa sa kanilang pinapasukan kung iiwanan nila ito ngayon.
Kaya naman, nasa libo pa lang ang nagpalista para sa repatriation o pagbabakwit sa Pinas.
At ang iba, mas gustong lumikas ngunit sa ibang mga lugar na hindi gaano umanong maaapektuhan ng giyera at sa Lebanon pa rin o ibang bansa sa Middle East.
‘Yung iba, panay ang dasal na hindi babangis nang todo ang digmaaan, sabay ng pakiramdam sa kung ano ang gagawin ng kanilang mga employer o amo.
KINATATAKUTANG SITWASYON
May sariling dahilan ang Hezbollah sa pakikidigma sa Israel, bukod sa layuning tanggalan ito ng karapatan bilang isang nasyon na matagal nang problema.
Nakikidigma ngayon ang Hezbollah bilang pakikiisa sa Hamas na sinusubukang durugin ngayon ng Israel sa Gaza Strip na ngayo’y ikinamatay na ng mahigit 40,000 Palestino.
Lalong sumiklab ang giyera nang sunod-sunod na pagpapatayin ng Israel ang mga lider ng Hezbollah at pinakahuli ang pagbomba at pagpatay sa Beirut kay military commander Fuad Shukr.
Naririyan din ang higit na kinatatakutang pagganti ng Iran laban sa Israel na pumatay kay Ismail Haniyeh, pinakamataas na pinuno ng Hamas, sa Tehran, Iran.
Naririyan ang nakatatakot ding pagbomba ng Israel sa iba’t ibang bahagi ng Lebanon gaya sa Beirut.
At kasama sa mga ibinabagsak ng Israel na bomba ang phosphorus bomb na sumusunog at pumapatay sa mga halaman sa loob ng Lebanon ngunit sa pagitan ng Lebanon at Israel.
Sa phosphorous bomb, lahat nasusunog, halaman o hayop o tao at matagal bago muling pupwedeng manirahan sa lugar.
PAGBUTIHIN SA PINAS
Nakalulungkot talaga na mas gustong maghanapbuhay sa labas ng bansa ang higit na nakararaming Pinoy kahit pa mahal na mahal nila ang Pilipinas.
At alam na ng lahat ang dahilan at hindi kailangang ipaliwanag dito.
Paano nga kaya bigyan ang mga OFW ng kalagayang paggawa sa loob ng bansa na roon pwede nilang itaya maging ang kanilang buhay, gaya ng ginagawa nila ngayon sa ibang bansa?