Lumampas na sa P100M ang natatanggap na insentibo ni Carlos Yulo matapos siyang bigyan ng P3 milyon na cash incentives ng Senado para sa pagkakapanalo ng dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics.
Isang ceremonial turnover ng dalawang malalaking tseke na nagkakahalaga ng P1.5 milyon ang idinaos sa plenary session noong Lunes para parangalan ang Philippine team na nagposte ng pinakamahusay na Olympic finish kailanman sa likod ng mga gintong medalya ni Yulo sa floor exercise at vault sa men’s artistic gymnastics.
Personal na ginawaran ni Senate President Francis Escudero ang Medal of Excellence na itinatag noong 2021 at unang ibinigay sa kauna-unahang Olympic gold medalist ng bansa na si Hidilyn Diaz.
Samantala, pinagkalooban din sina Nesthy Petecio at Aira Villegas ng tig-P1 milyon sa pagkakapanalo ng bronze medal sa mga boxing competition ng kani-kanilang weight categories sa Paris.
Apat na resolusyon din ang pinagtibay ng Senado sa plenaryo session para batiin sina Yulo, Villegas, Petecio, ang buong Philippine team, Philippine Olympic Committee, at Philippine Sports Commission para sa matagumpay na kampanya.
Patuloy na lumalaki at tumataas ang mga insentibo ni Yulo sa itaas ng P20 milyon na itinakda ng Republic Act 10699 o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act at lumampas na sa P100-milyong marka.
Nakatanggap din si Yulo ng P2 milyon mula sa Lungsod ng Maynila kung saan ipinanganak ang Filipino star gymnast.
Idineklara din ni Manila Mayor Honey Lacuna ang Agosto 4, ang araw kung saan nanalo si Yulo ng kanyang unang Olympic gold, bilang ‘Araw ni Carlos Yulo.’
Tinapatan ng Malacanang ang P20 milyon na nakasaad sa batas sa isang seremonya pagkatapos ng kanilang pagdating sa bansa noong nakaraang linggo.
Naroon din sa Senado sina Eumir Marcial, Elreen Ando, John Ceniza, Vanessa Sarno, Aleah Finnegan, Emma Malabuyo, Lauren Hoffman, John Cabang, Kiyomi Watanabe, Joanie Delgaco, at Jarod Hatch kasama si Philippine Sports Commission Chairman Richard Bachmann.JC