Home METRO Mayor Marcy, atbp. kinasuhan sa P130M PhilHealth funds

Mayor Marcy, atbp. kinasuhan sa P130M PhilHealth funds

Manila, Philippines-Nahaharap sa mga kasong technical malversation, grave misconduct, at conduct prejudicial to the best interest of the service ang ilang opisyal ng Marikina, kabilang na si Marikina Mayor Marcelino Teodoro dahil sa umano’y paglustay ng mga ito ng P130 milyon mula sa PhilHealth payments.

Nagsampa ng kaso sa Ombudsman si Sofronio Dulay laban kina City Accountant Erlinda Gutierrez Gonzales, City Treasurer Nerissa Calvez San Miguel, at Assistant City Budget Officer Jason Rodriguez Nepomuceno.

Nabatid na isinampa ang kaso matapos niyang madiskubre na ang mga ginamit para sa libreng COVID testing noong pandemic ay pina-reimburse ni Mayor Marcy sa Philhealth na nagkakahalaga ng P130-Million.

Nabatid na September 2023, naglabas ng city ordinance ang alkalde para sa appropriation ng pondo mula sa reimbursement sa PhilHealth.

Ayon sa Ordinansa, ang pondo mula sa Philhealth ay ginamit na pambili ng IT equipment, repair at maintenance ng mga gusali, donasyon, at pambili ng mga suplay at materyales na nagkakahalaga ng P91 milyon.

Paliwanag ni Dulay, nakasaad sa Universal Health Care Act na lahat ng PhilHealth payments ay dapat nakalaan sa mga programang pangkalusugan. Dahil dito, maituturing na technical malversation ang ginawa ng grupo ni Teodoro.

Aniya, malinaw na nilabag nina Teodoro ang batas dahil sa paggastos ng pera para sa non-health-related budget items.

Giit ni Dulay, ang nasabing pondo ay dapat ginamit para sa mga programang pangkalusugan kagaya ng libreng gamot, libreng lab tests, at libreng check up.

Ang mga kaso laban kina Teodoro at iba pang opisyal ng lungsod ay inaasahang diringgin sa mga susunod na linggo. RNT