MANILA, Philippines – Iniulat na sadyang sinaktan ng ilang miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) ang mga kasamahan nito para isisi ito sa mga pulis, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Ani PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, may video silang ebidensya na magpapatunay dito.
“Meron tayong hawak na video ngayon na nagpapakita na meron silang lugar doon na mismong mga myembro ang nagsusugat sa kapwa nila myembro para ipakita at isisi sa kapulisan na dun galing yung injury nila,” ani Fajardo.
“We are just waiting na ma-authenticate ’yung video na ito to show how desperate these people are para ipakita na inaabuso sila ng mga pulis natin, while on the contrary ’yung mga pulis natin ang minumura, tinatadyakan, at sinasaktan but they maintained their composure at self restraint,” dagdag niya.
Nitong weekend, nasa 2,000 miyembro ng Philippine National Police ang lumusob sa KJC compound sa Buhangin District, Davao City para isilbi ang arrest warrants sa puganteng pastor na si Apollo Quiboloy.
Dagdag pa, may nasagip na dalawang umano’y biktima ng human trafficking mula sa loob ng compound.
Pagpapatuloy pa, sadyang hinarangan ng mga miyembrong nagpoprotesta ang national highway.
Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang Davao police sa paggalugad sa KOJC compound para sa ikaaaresto ni Quiboloy. RNT/JGC