Home NATIONWIDE Panukalang college degrees base sa work experience aprub sa Senado

Panukalang college degrees base sa work experience aprub sa Senado

118
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan na sa Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala na tutulong sa mga indibidwal na makakuha ng undergraduate at graduate degrees batay sa kanilang work experience.

Ang Senate Bill 2568 o Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) Act ay inaprubahan sa botong 23-0-0.

Ayon kay Senador Joel Villanueva, na dumipensa sa naturang hakbang, ang layunin nito ay “to allow and empower persons who had to start working immediately, to be able to have their working experiences and prior learnings recognized and given equivalent credits for tertiary education.”

Aniya, layon nito ang institusyonalisasyon ng ETEEAP, na nagsusuri at nagtatalaga ng angkop na equivalency credits para sa mga kaalaman at experience, para sa paggawad ng nararapat na academic degree.

Sa ilalim ng panukala, ang mga indibidwal na nagnanais na maging qualified sa ETEEAP ay dapat na Filipino citizen na naninirahan dito sa Pilipinas o abroad, at edad 23 anyos pataas, na may limang taon ng aggregate work experience.

Dapat ay nakakumpleto rin ang aplikante ng secondary education na susuportahan ng high school diploma, o resulta ng Philippine Educational Placement Test o Alternative Learning System Accreditation and Equivalency Assessment and Certification, na nagsasabing ang isang indibidwal ay kwalipikadong pumasok ng college.

Maaari ring magpasa ang aplikante ng dokumentasyon ng kaukulang training programs nito at iba pang patunay ng formal, non-formal at informal learning, na oobligahin ng deputized higher educational institution kabilang ang, National Certificates (NCs) o Certificates of Competency na inisyu ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Bibigyang mandato ang Commission on Higher Education (CHED) sa implementasyon ng probisyon ng panukala.

Inaatasan din ang komisyon na magbigay ng karagdagang kapangyarihan at function, kabilang ang pag-deputize sa higher education institutions (HEIs) para mag-alok ng ETEEAP; makipagtulungan sa ahensya ng pamahalaan upang alamin ang priority programs, pagsasagawa ng inter-agency consultations para sa policy implementation; at paglalaan ng student financial assistance programs sa ETEEAP learners.

Samantala, ang HEIs ay bubuo ng malinaw na polisiya at pamamaraan para sa implementasyon ng ETEEAP, at magpupulong ng panel ng internal at external assessors, na tutukoy ng angkop na equivalency credits na nakuha ng isang aplikante. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here