MANILA, Philippines – Inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Marbil nitong Miyerkules ang kanyang mga commander na simulan ang pagtukoy sa mga posibleng “election areas of concern” para sa 2025 polls.
Sa isang press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na nasa “election mode” na ngayon ang organisasyon ng pulisya sa nalalapit na paghahain ng certificates of candidacy (COC) sa Oktubre.
“Ang direktiba ni Chief PNP ngayong maaga, dapat tukuyin ng mga commander on the ground ang mga posibleng magkaroon ng matinding tunggalian sa pulitika, saan yung potential election areas of concern,” ani Fajardo.
Sinabi ni Fajardo na ibibigay ng PNP ang impormasyon na kanilang makakalap sa Commission on Elections (Comelec) para sa listahan ng mga election areas of concern.
Maliban dito, aalamin din ng PNP kung kakailanganin ng karagdagang tauhan para mag-deploy sa ilang lugar ngayong maaga sa pag-asam ng posibleng karahasan na may kinalaman sa eleksyon.
Inanunsyo ng Comelec ang paghahain ng COC para sa May 2025 midterm polls ay mula Oktubre 1 hanggang 8, 2024.
Noong Martes, sinabi ng Comelec na umabot na sa mahigit 6.2 milyon ang bilang ng mga bagong rehistradong botante para sa 2025 national at local elections (NLE).
Noong Setyembre 17, ang mga bagong botante para sa Eleksyon 2025 ay nasa 6,250,050. Sa mga bilang, kabuuang 3,035,647 ang lalaki at 3,214,403 ang babae.
Naitala ng Calabarzon ang pinakamaraming bilang ng mga nagparehistro na may 1,041,179. Sinundan ito ng National Capital Region na may 824,239; Central Luzon na may 705,530; Davao Region na may 356,854; at Central Visayas, na may 331,033.
Nakarehistro ang Comelec main office ng 9,201 bagong botante.
Ang panahon ng pagpaparehistro ng botante para sa midterm polls ng Mayo 2025 ay nagsimula noong Pebrero 12, at magtatapos sa Setyembre 30, 2024. RNT