MANILA, Philippines – Ibinulgar ni dating Cebu City Rep. Tommy Osmeña sa Quadcomm hearing na si dating Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) chief Royina Garma ay tumatanggap umano ng P1 milyon kada linggo sa payola mula sa ilegal na sugal.
Sa ikaanim na pagdinig ng House Quad Committee, sinabi ni Osmeña na tinutulan niya ang paglipat ni Garma sa Cebu matapos makatanggap ng impormasyon na kumukolekta ito ng P1 milyon kada linggo bilang hepe ng CIDG sa Davao City.
“Ito (report) ay nagsasabi na noong si Garma ay pinuno ng CIDG ay kumukolekta siya ng P1 milyon kada linggo. Hindi ko ito matatanggap para sa Cebu City. And her bagman was a certain SPO4 Art,” sinabi ni Osmeña sa panel na tumitingin sa extrajudicial killings noong nakaraang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, illegal drug trades, at Philippine offshore gaming operators (POGOs).
“Ngayon lumalabas na hindi lang manliligaw si SPO4 Art. Dinala niya itong pulis noong na-appoint siya sa PCSO (Philippine Charity Sweepstakes Office),” dagdag pa ng dating mambabatas.
Sinabi ni Laguna Rep. Dan Fernandez na maaaring tinutukoy ni Osmeña ang parehong SPO4 Arthur Narsolis na iniuugnay sa pagpatay sa tatlong umano’y Chinese drug lords sa loob ng Davao Prison and Penal Farm noong 2016 sa kasagsagan ng war on drugs ni Duterte.
Taliwas sa sinabi ni Garma sa nakaraang pagdinig na sila ni Osmeña ay may personal na pagkakaiba, sinabi ng dating alkalde ng Cebu City, “Hindi ko siya kilala.”
Itinalaga ni Duterte si Garma PCSO general manager ilang araw matapos siyang mag-avail ng early retirement mula sa PNP noong 2019.
Nagpasalamat si Osmeña sa Quadcom sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataong sabihin ang “mga bagay na ito na maaari mong imbestigahan pa.”
Aniya, napakaimpluwensya ni Garma kaya pinasuspinde siya ng isang taon ng Office of the Ombudsman matapos ipagtanggol ang tatlong vendor na hina-harass ng mga pulis.
“Fortunately, the Ombudsman reversed its decision. The decision came out today. I am no longer suspended, I’m not even a mayor anymore,” ayon pa kay Osmeña.
Sinabi pa niya na handa pa siyang magbulgar ng kanyang nalalaman sa mga susunod na pagdinig. RNT