MANILA, Philippines – Lubos na nagpapasalamat ang Bukidnon Fellowship of Congregational Churches (BFCC) sa Eastern Mindanao Command (EMC) ng Armed Forces of the Philippines bunsod sa patuloy nitong pagsisiguro ng kapayapaan.
Partikular na pinasalamatan ng BFCC ang AFP bunsod ng kamakailang pagsuko ng 20 dating rebeldeng New People’s Army (NPA) na isang patunay ng epektibong anti-insurgency efforts na nakabase sa pag-uunawaan at sa pagsagip ng buhay.
“There is no glory in the loss of lives… I understand that every NPA rebel may have had legitimate individual reasons for joining the NPA. However, when we kill one NPA fighter, ten or twenty more rebels are bred, ready to fight the government. Entire families join the NPA, perpetuating a cycle of anger and violence,” ani Lt. Gen. Luis Rex D. Bergante, commander ng EMC.
Binibigyang-diin ng pahayag niyang ito ang isang malalim na pagpapahalaga para sa pangangalaga ng buhay sa labanan at tinatanggap ang posibilidad ng pagbabago para sa mga handang bumalik sa landas ng kapayapaan.
Bilang isang komunidad ng pananampalataya, sinabi ng BFCC na kanilang kinikilala at ipinagdiriwang ang pagbabagong mula sa retribusyon patungo sa rehabilitasyon, na umaayon sa turo ni Kristo.
Anila, na ang pagsuko ay nagmamarka ng simula ng isang bagong kabanata para sa mga handang buuin muli ang kanilang buhay at mag-ambag sa kanilang mga komunidad.
Pinupuri rin nila ang mga civilian leader tulad nina Mayor Lorife M. Otaza ng Loreto, Mayor Antonio Libuangan ng Laak at Mayor Maria Theresa R. Timbol ng Kapalong, na nagpakita na ang pagkakaisa at pakikiramay ay makapangyarihang kasangkapan para sa kapayapaan.
“Sa pamamagitan ng pagpapalawak ng diyalogo at mga hakbangin sa pagpapaunlad, nagbukas sila ng mga bagong landas tungo sa pagkakasundo,” ayon sa BFCC.
“Habang ipinagdiriwang natin ang tagumpay na ito para sa kapayapaan, dapat din nating tugunan ang hamon na mapanatili ang mga tagumpay na ito. Patuloy na sinasamantala ng CPP-NPA-NDFP ang mga legal na paraan sa mga sentrong kalunsuran para pondohan at suportahan ang mga operasyon nito,” dagdag pa ng grupo.
Binigyang-diin din ng BFCC ang pangangailangan ng bawat Pilipino na aktibong suportahan ang mga pagsusumikap sa kapayapaan, partikular na sa pagsugpo sa mga lihim na operasyong ito sa mga bayan at lungsod. Ang BFCC ay nakatuon sa paggawa ng kanilang bahagi sa pagtiyak na ang mga marahas na ideolohiya ay hindi na muling lumaganap pa.
“Nananawagan kami sa ating mga kapwa Pilipino na suportahan ang mga hakbangin para sa kapayapaan. Ang bawat buhay na iniligtas ay isang tagumpay para sa ating lahat. Manatili tayong matatag sa pag-ibig, pagkakaunawaan, at pagkakasundo, na nagtitiwala sa patnubay ni Kristo na maghahatid ng kagalingan at pangmatagalang kapayapaan.” RNT