MANILA, Philippines – Kinastigo ng Kamara si Tony Yang, isa sa mgs personalidad na kabilang sa iniimbestigahan ng House QuadComm.
Isinulong ni Laguna Rep. Dan Fernandez ang hakbang na i-cite in contempt si Yang na inaprubahan ng komite matapos walang tumutol sa kanyang mosyon.
Inaprubahan din ang mosyon ni Manila Rep. Bienvenido Abante na i-detain si Yang sa Quezon City jail.
“We are telling you, ang rami mo nang pagsisinungaling dito. Last na ‘to. Kapag hindi ka pa nagsabi ng totoo, we will cite you in contempt,” ayon sa mambabatas.
Bago ang mosyon, tinanong ni Fernandez si Yang kung kilala ba nito ang Chinese businessman na si Allan Lim, na sinasabing partner nito sa isang rice milling business sa Cagayan de Oro.
Paulit-ulit itong itinanggi ni Yang.
Dito na ipinresenta ni Fernandez ang mga impormasyon tungkol sa kanyang rice milling company na nagpapakitang sangkot si Lim sa negosyong ito.
“Wala? Ayan pakita natin. Mr. Chairman, I’ll be citing this person in contempt [for] many times that he lied. Maliwanag na maliwanag sa GIS (general information sheet), diyan sa corporation, diyan sa rice milling corporation, ayan si Allan Lim, kasosyo mo,” ani Fernandez.
Ipinresenta rin ni Fernandez ang video ni Yang na madaling nakapasa sa immigration officers na wala nang isinasagawang inspeksyon.
“Wala siyang pakialam. Hindi niya nire-respeto ang ating mga immigration officers. Why? We don’t know. He established pakikisama to all those people. Basically, we Filipinos have something also to be regretful kasi pinababayaan natin na babuyin tayo ng mga banyagang gaya nito,” sinabi pa ng mambabatas.
Ipinag-utos ng panel na idetain si Yang sa Quezon City Jail.
Si Yang ay kapatid ng dating presidential economic adviser ng Duterte administration na si Michael Yang.
Itinuturo ng panel sina Michael Yang at Lim na mga utak sa likod ng malawakang crime network sa bansa. RNT/JGC