MANILA, Philippines – Lumaya na ang bilanggong saksi sa kill order sa tatlong Chinese na pinatay sa loob mismo ng kulungan.
Pinalaya na ng Bureau of Corrections (BuCor) ang bilanggo na si Jimmy Fortaleza na isa sa mga testigo na humarap sa pagdinig sa Kamara tungkol sa drug war deaths ng administrasyong Duterte.
Ayon sa BuCor, pinayagan ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 206 ang petisyon ni Fortaleza sa habeas corpus with prayer para sa pagkalkula ng special time allowance for loyalty nito sa tagal ng kaniyang pagkakakulong.
Dahil sa STAL ay walong taon ang nabawas sa 32 taong sentensiya ni Fortaleza kung kaya’t naging 24 taon na lamang ito.
Sinabi ng BuCor na 2008 pa nakakulong si Fortaleza o nasa 29 taon at limang buwan na ng kanyang sentensiya.
“Since we already received the requested authenticated copy of the resolution of the Management, Screening and Evaluation Committee from the Bureau of Jail Management and Penology, there is no reason for Fortaleza to remain in our custody,” pahayag ng BuCor.
Ayon naman kay BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., ipapaalam nila sa House Quad Committee ang desisyon ng korte para kay Fortaleza dahil nasa ilalim ito ng kustodiya ng komite bilang kanilang testigo.
Bago rito, sinuportahan ni Fortaleza ang testimonya ng dalawa pang bilanggo tungkol sa pagpatay sa tatlong Chinese na umano’y drug lord na nakakulong sa Davao Prison and Penal Farm noong 2016.
Sinabi ni dating Davao Prison and Penal Farm officer-in-charge Gerardo Padilla sa ginawang pagdinig ng komite na sinabihan umano siya ni dating Police Colonel Royina Garma, hepe noon ng Cebu CIty Police, na huwag haharangin ang gagawing pagpatay sa tatlong Chinese.
Dagdag pa ni Padilla, nakausap siya ni Garma sa pamamagitan ni Fortaleza, na kaklase naman ni Garma sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Samantala, inamin ni Garma na binisita niya si Fortaleza kasama ang dalawa pang kaklase sa PNPA noong 2016, ngunit itinanggi nitong may kinalaman siya sa pagpatay ng mga bilanggo sa tatlong Chinese.
Matatandaan na idinawit sa pagpatay sa tatlong Chinese si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakaupo noon.
Inimbitahan sa pagdinig ng Kamara ang dating pangulo ngunit hindi ito sumipot.
Noong 2019, itinalaga ni Duterte si Garma, bilang general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). RNT/JGC