Home METRO Obrero pinatay, isinako sa pagnanakaw ng manok

Obrero pinatay, isinako sa pagnanakaw ng manok

195
0

MANILA, Philippines – Patay na nang matagpuan ang isang 22-anyos na construction worker na nakasilid sa isang sako sa Barangay San Isidro, Rodriguez, Rizal.

Kinilala ang biktima na si Jonathan Añonuevo, residente sa lugar.

Natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ng biktima sa gilid ng kalsada sa Sitio Pintor ng nabanggit na barangay.

“Iyong biktima po ay nakasilid sa isang sako, at ang kanyang po paa at kanyang kamay ay nakatali ng alambre and meron din pong alambre sa kanyang leeg,” pahayag ni PLtCol. Arnulfo Selencio, hepe ng Rodriguez police, sa panayam ng ABSCBN News.

Sa salaysay ng asawa ng biktima, nagpaalam umano ang mister nito na aalis kasama ang kaibigan.

Niyaya umano ang biktima na sumamang kumuha ng manok sa katabing sitio, pero kalaunan ay hindi na siya umuwi.

“Sabi ng tropa niya ano may aanuhin daw po silang manok po. Tapos noong sinama po siya ng kaibigan niya doon, ‘yung manok po nasa gilid na po ng tulay. Pagkuha ng kaibigan niya ng manok at pag-akyat po nila tulay, may lalaki sumigaw daw po ng ‘magnanakaw!’ Ayun pinagbintangan po siya [biktima] na magnanakaw,” ayon pa sa asawa nito.

“Yung kasama niya po pinasa sa kanya ‘yung manok, tapos niyaya siya sa subdivision. Biglang naghabulan tapos ‘yung asawa ko lang ang hinabol, tapos doon na po siya binugbog ng mga tao ng HOA (home owners association),” dagdag pa.

Matapos ang tatlong araw ay dito na natagpuan ang bangkay ng biktima.

“Iyong ate niya po ang natawagan na may nakita daw pong patay sa sitio pintor. Hindi po ako sumama noon, sinundo lang po ako sa presinto. Nakita ko na lang ‘yung picture na nakaano po siya sa sako. Biglang sabi ko, anong nangyari sa kanya? Bakit ganun ‘yung ginawa sa kanya ng mga tao, ginanun ko po ‘yung ate niya. Hindi niya rin daw alam. Nagulat na lang po kami ganun nangyari sa kanya,” saad pa niya.

Samantala, arestado sa isinagawang follow up operation ng pulisya ang tatlo sa mga itinurong suspek kabilang ang isang barangay tanod.

“Ito daw pong biktima ay nahuling nagnakaw, at ito po ay nahuli ng security guard po ng subdivision then tinurn over po sa HOA president na siya nga po ang isa sa mga suspects… Doon na po sinaktan ang biktima hanggang sa nawawala na po,” pahayag naman ni PLtCol. Selencio sa panayam pa rin ng ABSCBN News.

“May nakuha kaming dalawang witnesses and during our follow-up investigation, mayroon pong ibinigay na mga pangalan ang ating mga witnesses and nagsagawa po tayong ng follow up operation. Nahuli natin ‘yung tatlong suspects…then may dalawa pa po tayong at large na na-identify natin na siyang allegedly may kagagawan ng krimen,” dagdag nito.

Itinanggi ng barangay tanod na kilala niya ang biktima at may kinalaman siya sa krimen.

Todo-tanggi rin ang dalawang suspek sa paratang laban sa kanila.

Sa ngayon ay nakakulong ang tatlong suspek sa Rodriguez Municipal Police Station na mahaharap sa reklamong murder.

Nagpapatuloy naman ang pagtugis ng pulisya sa dalawa pang kasamahan ng mga suspek. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here