MANILA, Philippines – Ilalabas ng Commission on Elections (Comelec) ang final ruling nito sa misrepresentation complaint laban kay dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo bago mag-Oktubre 30, sinabi ni Chairman George Erwin Garcia.
Ang pahayag na ito ni Garcia ay kasunod ng pagsasabing natanggap na ng komisyon ang desisyon ng Office of the Ombudsman na nagdidiskwalipika kay Guo sa pag-upo sa anumang pwesto sa pamahalaan.
“Basta bago matapos ang October 30 the Comelec will have a recommendation. Hindi lang sa kanya (Guo), kundi sa napakadaming natanggap kami na decision ng Ombudsman,” ani Garcia.
Iginiit ni Garcia na anuman ang maging desisyon, hindi ito iaasa lamang sa ruling ng ibang mga korte, o ng findings ng ilang ahensya ng pamahalaan.
Ang kandidato ay maaaring maalis sa pwesto kung siya ay maidedeklarang nuisance candidate; o nahaharap sa reklamong misrepresentation, o kung ipinag-utos ng Ombudsman ng “perpetually disqualified” sa pag-upo sa pampublikong opisina.
“Ang pangatlo ang pinaka-crucial… sinabi namin, kikilalanin ng Commision on Elections ang desisyon ng Office of the Ombudsman. Kahit pa ito ay nakaapela sa mas mataas na hukuman, the Comelec can always implement and execute a decision of the Office of the Ombudsman,” ipinunto ni Garcia.
“Mukha ho kasing may ibinigay sa amin na desisyon ang Office of the Ombudsman patungkol sa kanya… as far as the Comelec is concerned, we will enforce or implement the Ombudsman’s decision,” dagdag pa niya.
May dinidinig din ang Comelec na mga kaparehong kaso sangkot ang ilang opisyal sa Cebu, Mandaue, Surigao at Mexico, Pampanga. RNT/JGC