MANILA, Philippines – KALABOSO ang tatlong drug suspek, kabilang ang isang bebot matapos masilo ng pulisya sa magkahiwalay na buy bust operation sa Navotas City.
Sa ulat ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Luis Rufo Jr ang buy bust operation kontra kina alyas Myra, 39, at alyas Banoy, 28, kapwa residente ng lungsod matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ng mga ito.
Nang matanggap ang pre-arrange signal mula sa kanyang kasama na nagsilbi bilang poseur-buyer na hudyat na nakabili na siya ng droga sa kanilang target ay agad lumapit ang back na operatiba saka inaresto nila ang mga suspek dakong ala-1:27 ng madaling araw sa Road 10, Barangay NBBN.
Ayon kay Capt. Rufo, nakuha nila sa mga suspek ang nasa 8.38 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P56,984.00 at buy bust money.
Alas-2:15 ng madaling araw nang madakma naman ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation din sa M. Naval St., Brgy. NBBS Kaunlaran, si alyas Yanyan, 35, ng lungsod.
Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 5.38 grams ng umano’y shabu na may katumbas na halagang P36,584.00 at buy bust money
Pansantalang nakapiit ang mga suspek sa custodial facility unit ng Navotas City Police na pawang mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Rene Manahan