MANILA, Philippines- Sinisikap ng Department of Migrant Worker (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na maiuwi ang labi ng Pinoy na binitay sa Saudi Arabia dahil sa kasong murder.
“We are working on the repatriation closely with the DFA,” ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac sa press briefing sa Malakanyang.
May ilang local media ang naglabas ng ulat na hindi rin maaaring maiuwi ang mga labi ang nabitay na Pinoy dahil sa batas ng Saudi Arabia. Hindi naman nabanggit kung anong batas ng naturang bansa ang sumasaklaw sa pagpapauwi ng bangkay ng isang executed inmate pabalik sa sarili nitong bansa.
Sa kabilang dako, sinabi ni Cacdac na noong lumabas ang balita na binitay na nga ang hindi pinangalanang Pinoy sa Saudi Arabia noong Sabado, Oktubre 5, 2024 ay agad nagpunta ang team ng DMW at OWWA sa tahanan ng pamilya ng binitay na Pilipino.
Doon aniya ay tiniyak nila sa pamilya nito na nakasuporta ang gobyerno sa kanila lalo na sa mga anak ng binitay na Pilipino.
“There are school-age children left behind, so tutulungan natin iyong mga bata, first and foremost, kasi iyon naman ang dahilan kung bakit nag-OFW ang isang tao, para sa mga anak,” ayon kay Cacdac.
Sa ulat, taong 2020 nang masintensyahan sa kasong murder ang nasabing Pinoy, matapos umanong paslangin nito sa pamamagitan ng martilyo ang kanyang business partner matapos daw ang hindi pagkakaintindihan ng dalawa.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), hindi nagpaareglo ang pamilya ng biktima nang tanggihan nito ang ang alok na “blood money.”
Samantala, nakiisa naman si Cacdac sa mga nakiramay sa pamilya ng binitay na Pilipino sa KSA. Kris Jose