MANILA, Philippines – Arestado ang 17 dayuhan na karamihan ay mga Chinese, matapos salakayin ang hinihinalang scam hub sa Makati City.
Sa bisa ng search warrant, nilusob ng mga operatiba mula sa National Bureau of Investigation-Cybercrime Division ang isang gusali sa Makati City na sinasabing lugar kung saan sangkot sa iba’t ibang scamming activities ang mga dayuhan.
Naabutan ng mga awtoridad ang mahigit 20 workstations sa limang palapag na gusali.
Mayroon ding mga kwarto na may nakalagay na
“Couple Room” para sa mga foreign national at kanilang mga partner.
Ang bawat mga kwarto ay mayroong mga palikuran at kama.
Nasa rooftop naman ang commissary kung saan ang mga pagkain naman ay ibinababa sa mga kwarto.
Ito ay upang masiguro na ang mga scammer ay hindi na kailangan pang lumabas ng gusali.
Bukod sa mga computer, SIM card at cellphone, narekober din ng mga awtoridad ang ilang notebook na naglalaman ng mga script sa mga pang-iiscam.
Ayon sa NBI, ang naturang mga computer ay isasailalim sa forensic examination upang matukoy kung gaano na ito katagal nag-ooperate sa lugar.
May mga naaresto ring Filipino bagamat sinabi nilang hindi nila alam na may isinasagawang illegal na aktibidad sa gusali.
Dinala sa opisina ng NBI ang mga naarestong dayuhan. RNT/JGC