MANILA, Philippines- Tinutulan ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes ang panukalang magpatibay ng hybrid poll system sa susunod na taon.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, inatasan ng batas ang poll body na magpatupad ng automated elections sa 2025.
Sinabi ni Garcia para makapagpatupad ng hybrid system ay kakailanganin ng isang batas.
“Hindi po pupuwedeng magpatupad ang Comelec ng isang sistema na katulad po ng kanilang pino-propose nang wala namang batas. Ang Comelec ay tagapagpatupad lamang ng batas,” paliwanag ni Garcia.
Ang hybrid election system ay ang manual voting at counting sa mga presinto at ang automated transmission at canvassing ng mga resulta.
Binanggit din ni Garcia na base sa pag-aaral sa ilalim ng hybrid system, ang vote-counting sa precinct level lamang ay umaabot na sa tatlong araw na nagdudulot ng makabuluhang pagkaantala sa halalan.
Ang pahayag ni Garcia ay matapos manawagan ang coalition Alyansa ng Nagkakaisang Mamamayan (ANIM) ng hybrid elections dahil sa umano’y kakulangan ng transparency sa automated system.
Ngunit sinabi ni Garcia na sa 2025, sa kauna-unahang pagkakataon, ay makikita ng mga botante ang larawan ng kanilang balota sa makina upang napatunayan na ito ay nabilang. melec