MANILA, Philippines – Arestado ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang puganteng South Korean na wanted sa kanilang bansa dahil sa kaugnayan sa illicit drug trade.
Kinilala ang pugante na si Choi Sol, 40-anyos na dayuhan na naaresto ng BI fugitive search unit (FSU) sa kanilang main office sa Intramuros, Manila kasunod ng tip ng presensya umano nito sa loob ng BI compound.
Inilabas ang Interpol red notice laban kay Choi noong 2022 matapos siyang mahatulan sa korte sa Korea na lumabag sa Narcotics Control Act ng nasabing bansa.
Inilabas ang arrest warrant laban sa kanya sa district court sa Cheongju City.
Kinansela rin ng pamahalaan ng Korea ang kanyang pasaporte.
Ayon sa BI, si Choi ay nakikipagsabwatan sa ibang mga suspek gamit ang Telegram chatroom na ginagamit para sa bentahan ng illegal na droga.
Umabot sa mahigit 10 million won, o USD 7,000 ang kinita ng mga suspek mula sa drug trading activities.
Kasalukuyang nakapiit si Choi sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City bago ito ipa-deport. RNT/JGC