MANILA, Philippines – Naghain ng ethics complaint nitong Lunes, Oktubre 14 laban kay Agri party-list Representative Wilbert Lee ang dalawang mambabatas dahil sa umano’y pagbabanta kasabay ng deliberasyon ng proposed P6.325 trilyong badyet para sa 2025.
Ang reklamo ay inihain nina Barangay Health Workers party-list Representative Nica Co at Marikina Representative Stella Quimbo, kung saan ang insidente ay nangyari umano noong Setyembre 25 o huling araw ng deliberasyon ng badyet sa Kamara.
Ani Quimbo, nilapitan siya ni Lee at dinuro.
“Magwawala ako kapag hindi niyo ako pinagsalita.”
Sa puntong ito, nakatapos na si Lee sa pagtatanong, at ang huling magtatanong na ay si House Deputy Minority Leader Paul Daza.
“Magkakampi po kami sa aming sense of duty, pero kailanman po it was never an excuse for me to be violent,” sinabi ni Quimbo.
Ang paraan umano ni Lee, ani Quimbo, nang paglapit sa kanya ay nagdulot ng takot sa kanila ni Co.
“It was tears of fear. There are so many microphones in the plenary. Any member is free to raise a point of order at any point in time. Hindi po niya yun dapat ginagawa sa ganoong paraan. I have never received any form of apology.”
Bilang tugon, sinabi ni Lee na hindi niya intensyong takutin o bulasin ang mga kasamahan.
“Hindi po natin kailanman magiging intensyon ang manakit o mambully. Iginagalang po natin ito bilang karapatan ng kapwa natin mambabatas,” giit ni Lee.
Ang kanyang panggagalaiti umano ay dahil sa kanyang “impassioned advocacy to put on record the commitments” na nakuha niya mula sa Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para mapababa ang out-of-pocket medical expenses ng mga Filipino.
Tinukoy din ni Lee na isa siya sa mga mambabatas na nagsusulong ng 30% increase sa mga benepisyo sa PhilHealth.
Sa kabila nito, sinabi nina Quimbo at Co na ang ethics complaint ay tungkol sa pagsisigurong mananatiling ligtas para sa lahat ang kanilang opisina.
“What we are fighting for here is a safe workspace. Kongreso ito, House of the People. Kung magpahanap ka ng isang ligtas na lugar, siguro naman dapat dito yun,” pahayag ni Quimbo. RNT/JGC