Home HOME BANNER STORY POGO hubs na sinusubaybayan ng PAOCC, 100 na lang

POGO hubs na sinusubaybayan ng PAOCC, 100 na lang

101
0

MANILA, Philippines – SINABI ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na bumaba na sa 100 na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) hubs ang sinusubaybayan na lamang ngayon ng komisyon.

“Ayon po sa report na binigay sa amin ng PAGCOR (Philippine Amusement and Gaming Corporation), marami na rin nagsara at ‘yung iba naman tuloy-tuloy na talagang nagtitiklupan,” ang sinabi ni PAOCC executive director Undersecretary Gilbert Cruz sa isang panayam.

Kaya nga, kumpiyansang sinabi ni Cruz na makakaya na ng pamahalaan na alisin lahat ng latak ng illegal POGO sa bansa.

“Even if they turn to smaller groups, they would still converge and the indicators are still there. The indicators are obvious, especially at night. As I have said before, they are open at night because of our time zone. Their victims are operating in an opposite time zone,” ayon pa rin kay Cruz.

Dahil dito, dapat aniyang asahan ng publiko ang napipintong paghahain ng kaso laban sa mga local chief executive na sangkot sa illegal POGO activities.

Sinabi pa rin nito na ang joint investigation ng mga mambabatas, National Bureau of Investigation at iba pang ahensiya ng pamahalaan ay magkakaroon ng magandang resulta.

“Napagkabit kabit na natin kung sino sino talaga ‘yung mga involved sa POGOs. Marami na pong pangalan na lumabas,” dagdag na wika ni Cruz.

Sa kabilang dako, nangako naman si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na personal niyang isasara ang lahat ng POGOs sa bansa sa Disyembre.

Matatandaang ginamit ni Pangulong Marcos ang kanyang pangatlong State Of the Nation Address (SONA) para ihayag na ganap na niyang ipinagbabawal sa Pilipinas ang anumang uri ng POGO operations.

Para sa Pangulo, dapat nang matigil ang lahat ng pambabastos sa sistema at batas ng bansa lalo’t kaakibat ng operasyon ng POGO ang prostitusyon, kidnapping, financial scamming, money laudering, torture, at maging ang pagpatay.

Kaugnay nito, inatasan ni Pangulong Marcos ang PAGCOR na ipatigil na ang operasyon ng POGO sa pagtatapos ng taon.

Ang DOLE, inatasan naman hanapan ng trabaho ang mga Pilipino na mawawalan ng trabaho sa hakbang na ito ng administrasyon kontra POGO. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here