MANILA, Philippines- Hindi kilala ni dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo si Lin Xunhan, ang umano’y “big boss” ng illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa, ayon sa kanyang abogado nitong Martes.
“Wala. Hindi niya kilala. Sabi niya sa akin hindi niya kilala,” anang abogado ni Guo na si Atty. Stephen David sa isang panayam nang tanungin kung nabanggit ng kanyang kliyente si Lin.
“Unang-una, wala naman siyang ano sa POGO kundi ‘yun nga lang kasama niya si Huang Zhiyang. ‘Yun lang naman ang kilala niya doon na bumili ng mga lupa niya doon,” dagdag niya.
Nauna nang sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na sinisilip nito kung kabilang si Lin sa mga indibidwal na ayaw pangalanan ni Guo sa congressional hearings dahil nasa bansa pa ito.
“Ang madalas naman kasi na binabanggit ni Alice sa mga hearings, ito ‘yung mga wala na sa atin, ‘yung mga nasa abroad,” ani PAOCC executive director Gilbert Cruz.
Nadakip si Lin, kilala rin bilang+ Lyu Dong, Boss Boga, Boss Apao, o Boss Bahaw, sa isang residential subdivision sa Laguna noong Oktubre 10.
Nakita ng isa sa mga indibidwal na dating nagtrabaho para kay Lin na nakipagtransaksyon si Guo sa kanilang amo. Anang testigo, kilala nila si Guo bilang si “Madam Wah.”
Itinanggi naman ng abogado ni Guo ang mga alegasyon.
“Well syempre, naiinis siya. Una-una, wala naman katotohanan ‘yung ganyang mga allegations na ‘yan. Maganda ‘yan, nahuli naman yata ‘yung sinasabi na tao na ‘yan, matanong natin, ma-cross exam natin kung saan nanggagaling itong sinasabi niya,” giit ni David.
Nahaharap si Guo sa qualified human trafficking case sa Pasig court maging graft case sa Valenzuela court.
Naghain din ng quo warranto petition laban kay Guo sa Manila court, maging petisyong kanselahin ang kanyang birth certificate sa Tarlac court.
Nahaharap din siya sa tax evasion complaint, 87 counts para sa money laundering, at perjury at falsification complaint sa DOJ. RNT/SA