MANILA, Philippines- Kinuwestiyon ni dating senador Leila de Lima nitong Huwebes ang plano ni Sen. Ronald dela Rosa na magkasa ng Senate investigation sa war on drugs na pinangunahan niya bilang dating national police chief.
Sinabi ni Dela Rosa na paiiralin ng Senado ang pagiging patas sa mga indibidwal na nabanggit sa magkakahiwalay na mga pagdinig sa House of Representatives, kung saan sinabi ng dating police official na nagbibigay ng pabuya para sa pagkamatay ng drug suspects sa anti-narcotics campaign ng administrasyong Duterte.
Subalit, giit ni De Lima, “Puwede ba yun na ang isang inaakusahan, isang ini-implicate ay siya rin ang magha-handle ng isang hearing, baka nga mag-preside din? Puwede ba yun akusado ka, ta’s magiging judge ka rin?”
“There is a basic ethical issue there. Kung iba sana ang mag-preside, puwede. Pero yung sila at magpa-participate sa pagtatanong pa, I don’t think that is proper… Katawa-tawa nga,” dagdag niya.
Inihayag ni De Lima na nang akusahan siya ni self-tagged drug lord Kerwin Espinosa ng pagtanggap ng drug payoffs sa Senate hearings noong 2016, tumanggi siyang i-cross examine ito dahil “my objectivity will be in serious question.”
“May self-interest ako na ako mismo yung ini-implicate, siyempre dedepensahan ko at didiinin ko yung nag-iimplicate sa akin. Is that fair?” wika ng dating senador.
Nagresulta ang mga alegasyon ni Espinosa sa ilang taong pagkakakulong ni De Lima bago siya mapawalang-sala sa drug charges.
Sa House quad committee hearing noong Biyernes, iginiit ni Espinosa na pinilit siya ni Dela Rosa na idiin si De Lima sa narcotics trade.
Ayon naman kay Dela Rosa, sinungaling umano si Espinosa, habang sinabi ni De Lima na balak niyang maghain ng kaso laban sa senador. RNT/SA