Home HOME BANNER STORY VP Sara dumepensa sa paggastos ng P16M sa mga safe house

VP Sara dumepensa sa paggastos ng P16M sa mga safe house

214
0

MANILA, Philippines- Dinipensahan ni Vice President Sara Duterte ang paggastos ng P16 milyon sa loob lamang ng 11 araw para sa rental ng mga safe house sabay sabing hindi na nakagugulat para sa ahensya ng pamahalaan na gumastos ng milyon o bilyong piso para sa mga programa at proyekto.

Ito’y matapos na tanungin ng mga kongresista kung paano nagawa ng Office of the Vice President (OP) na gastusin ang P16 milyong confidential funds para sa rental ng mga safe house sa loob lamang ng 11 araw.

Sa ulat, nagkomento ang mga kongresista na ang rental cost para sa mga safe house ay mas malaki kumpara sa renta para sa isang condominium unit sa isang high-end building o luxury resort.

“Alam niyo, hindi nakapagtataka sa gobyerno na gumastos ng millions araw-araw. Kami noon sa DepEd noon, pumipirma kami billions in 1 day para maglabas ng pera. So hindi nakapagtataka ang kahit na P10 million in a day. Pirma lang iyan, lalabas na ang pera. Ibabayad na iyan kung saan iyan ibabayad. And then babalik na iyong documents,” ang sinabi ni VP Sara.

“Ganoon talaga ang gobyerno. Gumagastos siya every day para sa mga projects niya. And sometimes, it’s not millions. Billions ang pinipirmahan ng mga opisina ng gobyerno para sa projects,” dagdag niya.

Aniya pa, ang OVP “fully cooperated and participated, and submitted to the Commission on Audit with regard to the confidential funds”.

Sinabi pa niya na tila gumagawa ng sariling paga-audit ang mga mambabatas.

“Kaya ako hindi sumasagot doon sa kanila. Sila na iyong nagau-audit. Hindi naman iyan tinanong ng Commission on Audit. Ang hiningi lang ng Commission on Audit, ano iyong documents para sa mga expenditures. So sinagot namin iyon. So sinubmit namin iyon. In fact, nakikita nila iyon kasi sinubpoena nila lahat ng documents,” giit ni VP Sara.

Binigyang-diin pa ni VP Sara na nais lamang siyang patalsikin ng mga kongresista.

“Kahit iyong COA na mismo ang nagsabi kung ano iyong trabaho niya, hindi nila tinatanggap na sagot. Kasi bakit ba? Kasi nga sa simula, sinabi ko, gusto nila mag-impeachment. Hindi nila magawa kasi wala silang kaso for impeachment. So ang ginagawa nila dyan, nagfi-fishing sila nang nagfi-fishing, hanap sila nang hanap,” pahayag niya.

Samantala, binuweltahan naman ni VP Sara si Pangulong Ferdinand Marcos Jr, sabay sabing ang Pangulo ay mayroong “five impeachable offenses” subalit hindi naman nito idinetalye kung ano ang mga iyon.

“Si BBM, sabihin ko sa inyo, may listahan ako ng limang bagay na impeachable offense niya. Pero sa tingin niyo papasa dyan sa House? Of course, hindi,” ang tinuran ni VP Sara.

Isang opisyal mula sa Department of Education (DepEd) ang umano’y tumanggap ng mga envelope na may cash sa loob sa panahon ng panunungkulan ni VP Sara bilang Education secretary.

Sa isang House panel, sinabi ni Atty. Resty Osias, DepEd Director IV at dating Bids and Awards Committee IV, na nabigyan siya ng mga envelope na may cash na P12,000 hanggang P15,000 mula Abril hanggang Setyembre 2023.

Nauna rito, inakusahan naman ni DepEd Usec. Gloria Mercado si VP Sara ng pagbibigay sa DepEd undersecretaries at assistant secretaries ng pera na nasa envelope na may halagang P50,000 kada buwan.

“Iyong envelope na iyan. Kaya ko sinasabi kanina, antayin natin iyong next hearing. Kasi hindi pa siya enough. Gusto nila kasing palabasin sa mga tao, iyong envelope na iyan, galing iyan sa confidential funds. Iyon iyong gusto nilang i-portray sa public. Para iyong perception ng tao: ‘Ay hindi talaga ginamit para sa ano,” ani VP Sara.

Pinabulaanan din ni VP Sara ang alegasyon na ang DepEd, sa ilalim ng kanyang administrasyon, ay gumamit ng certifications mula military officials, nang walang alam ang mga sundalo, para bigyang katuwiran ang disbursement ng P15 milyong confidential funds nito para sa pagbabayad ng informants noong 2023.

Sinasabing base ito sa dokumento na isinumite ng OVP sa COA na nagsasaad na ang gastos ay para sa Youth Leadership Summit (YLS).

“Hindi ginamit ang confidential funds sa AFP. Hindi din siya ginamit sa YLS. Ginamit siya supporting information doon sa mga areas kung saan may nakuha na reports na at risk ang mga bata,” ang sinabi ni VP Sara.

“Walang binigay na CF sa AFP, walang binigay na CF sa YLS. Iyong YLS lang ang tinanong, at sinabi namin ito iyong areas at risk. Sabi ng AFP, okay gawan namin ng paraan based on information we gathered,” patuloy niya.

Samantala, nangako naman si VP Sara na mananatili sa anim na OVP officials, habang ipinag-utos ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang pagpapalabas ng subpoenas at lookout bulletin laban sa mga ito para sa paulit-ulit na pagkabigo na dumalo sa pagdinig sa di umano’y iregularidad sa paggamit ng confidential funds ng OVP.

“Sabi ko, ‘Kayo na bahala kung ano gustong gawin niyo dyan.’ Pero dito sa Office of the Vice President, sinasabihan ko iyong mga tao na nakapangalan, ‘Kung ano iyong gusto mong gawin, iyon ang susuportahan ko. Kung ayaw mo um-attend, susuportahan kita. Kung gusto mo um-attend, susuportahan kita.’ Hindi ko pipilitin kung anong gusto mong gawin,” ayon kay VP Sara.

Sinabi pa niya na handa siyang maditine kasama ang mga opisyal ng OVP.

“Basta sinabihan ko sila, ‘I will be with you every step step of the way.’ Sinabihan ko rin sila, ‘Kung ang desisyon mo ay magpa-detain, sasamahan kita doon sa loob ng detention. Walang problema iyan sa akin.”

Samantala, sa isyu naman ng pagtapyas sa budget ng OVP, sinabi ni VP Sara na mayroon silang opsyon sakaling maisapinal na ang 2025 national budget.

“But rest assured, patuloy ang trabaho ng Office of the Vice President, kung ano man iyong kaya namin base sa kung ano iyong budget ibibigay namin iyon,” aniya pa rin. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here