MANILA, Philippines- Inihayag ni dating Vice President Leni Robredo nitong Biyernes na sinalubong niya si Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. sa Sorsogon City dahil sa respeto para rito.
Sa isang panayam, sinabi ni Robredo na hindi siya nagdalawang-isip nang hilingin sa kanya ni Senate President Francis ”Chiz” Escudero na salubungin ang Pangulo.
”Sa akin kasi hindi naman isyu ‘yun, in fact para sa akin ‘yung nagbibigay respeto ka sa posisyon, so wala namang… walang pagaatubili ‘yung pag-oo ko kay Senator Chiz kung puwedeng sumama ko sa kanyang pagsalubong,” wika ni Robredo.
”Tingin ko tama lang naman kasi bisita natin sa Bicol Region, ‘yun na nga ang problema nga di ako naka-stay nang matagal kasi may hinahabol ako,” dagdag niya.
Nauna nang inihayag ni Marcos ang pagkagalak sa tila “political reconciliation” sa pagitan niya at ni Robredo.
Sa inagurasyon ng Sorsogon Sports Arena, nagkita sina Marcos at Robredo kung saan binati nila ang isa’t isa.
Magkaribal ang dalawa sa 2016 at 2022 national elections. RNT/SA