MANILA, Philippines- Nagsampa ang National Bureau of Investigation (NBI) ng 16 reklamong falsification of public documents, perjury, at paglabag sa Anti-Alias Law laban kay Yang Jian Xin o Tony Yang, kapatid ng dating presidential economic adviser na si Michael Yang.
Ayon sa pahayag nitong Biyernes, ang mga reklamo ay inihain matapos matuklasan umano ng NBI kung paano ginamit ni Yang ang ilan sa kanyang mga alyas para magtatag at magparehistro ng ilang korporasyon sa Securities & Exchange Commission sa Cagayan de Oro City.
Ang mga kasong isinampa sa Office of the City Prosecutor ng Cagayan de Oro City ay sasailalim sa preliminary investigation habang marami pang reklamo ang nakatakdang isampa sa mga susunod na araw.
Inaresto si Yang sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Setyembre 19.
Sinabi ng Bureau of Immigration na pinasinungalingan umano ni Yang ang impormasyon sa SEC certification ng Phil Sanjia Corporation.
Kakasuhan din siya ng paglabag sa Social Security Act at Republic Act 11223 o Universal Healthcare Act dahil sa hindi pagpapadala ng kontribusyon ng SSS, PhilHealth, at PagIbig ng mga empleyadong Pilipino ng Sanjia Steel Corp.
Iniuugnay din ang kanyang mga kapatid na sina Hong Jiang Yang at Michael Yang sa mga POGO. Jocelyn Tabangcura-Domenden/Teresa Tavares