MANILA, Philippines- Mahigit 1,200 tauhan ang ide-deploy upang pangasiwaan ang trapiko maging ang kapayapaan at kaayusan sa Undas o All Saints’ Day at All Souls’ Day, base sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Biyernes.
“On the part of the MMDA, we will be deploying 1,257 personnel. Bawal po mag-leave. Bawal din pong mag-day off. Ang nakikita po nating dates ay from October 20 to November 4,” pahayag ni MMDA chairperson Romando Artes sa isang press conference matapos ang inter-agency meeting.
Tuwing Undas na ginugunita ng Nobyembre 1 at 2, inaasahang magsisiuwian ang mga tao sa kani-kanilang probinsya upang bisitahin ang mga yumao nilang mahal sa buhay sa mga sementeryo.
Ani Artes, magtatalaga ang local government units at ang Philippine National Police (PNP) ng kani-kanilang mga tauhan.
“Ang concern dyan, traffic, security at emergency response…Alam naman natin kailangan mag-maintain peace and order doon at i-regulate ang traffic para hindi ma-traffic ang ating mga kababayan,” anang opisyal.
“May ordinance tayo bawal ang alak, patalim or deadly weapons, bawal ang maingay sa sementeryo. So makakatulong natin ang kapulisan para sa pag-maintain peace and order sa sementeryo,” dagdag niya.
Base kay Artes, kabilang sa mga pangunahing sementeryo na babantayan ng MMDA sa Undas ang Manila North Cemetery, Manila South Cemetery, Bagbag Public Cemetery, Loyola Memorial Park, at San Juan Public Cemetery.
Magtatalaga rin ng command posts at help desks sa mga terminal para sa public assistance at medical assistance, patuloy niya. RNT/SA