Home METRO Mga suspek sa ‘pagdukot’ sa Amerikano sa Zambo del Norte tugis sa PNP

Mga suspek sa ‘pagdukot’ sa Amerikano sa Zambo del Norte tugis sa PNP

MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine National Police nitong Biyernes na nagsasagawa ito ng hot pursuit operations kasunod ng umano’y pagdukot sa isang American national sa Sibuco, Zamboanga del Norte.

Batay sa mga inisyal na ulat, kasal ang nasabing American national sa isang Pilipina at nasa limang buwan pa lamang sa Pilipinas nang dukutin siya ng hindi pa natutukoy na mga suspek noong Huwebes ng gabi.

Sinabi ng Associated Press na batay sa police report, apat na kalalakihang armado ng M16 rifles ang nagpakilala bilang mga pulis at pwersahang kinuha ang biktima, na tinangkang tumakas.

“Ini-exhaust natin lahat ng pwersa sa area para magtulungan po dito sa hot pursuit operations, gumamit ho sila ng bangka sa pag-alis,” ani Zamboanga Peninsula police spokesperson LtCol. Helen Galvez.

“We are coordinating also with our AFP counterparts, and as of this time wala pa tayong reports kung nasaan sila, wala pa tayong natatanggap na any balita,” dagdag niya.

Nilinaw ni Galvez na ang kidnapping ay isang isolated case sa lugar ng Barangay Sibuco at hindi nakaaapekto sa kapayapaan at kaayusan ng Zamboanga region.

“Meron na tayong security in place with the police command, as well our regional director ay papunta na doon sa area para matingnan ang imbestigasyon,” dagdag niya. RNT/SA