CALAMBA CITY, Laguna- Patay ang isang lalaki matapos aksidenteng mabaril ang sarili sa singit habang nakikipag-inuman sa mga kaibigan sa Purok 3, Barangay Parian, sa lungsod na ito nitong Linggo ng hatinggabi.
Kinilala ng mga pulis ang biktima na si Reggie Ronda Galang.
Batay sa imbestigasyon, kinuha umano ni Galang ang baril mula sa kanyang bag nang mahulog ang armas sa sahig habang umuupo ito sa isang monobloc chair. Pumutok ang baril kung saan tumama sa singit ang bala.
Dinala siya ng kanyang mga kaibigang sina John Arvin Mendoza, Jimuel Amolo, Claizear Marquez, at Freddie Ilagan sa ospital kung saan siya idineklarang patay.
Ayon sa mga pulis, isasailalim ang katawan ng biktima sa autopsy upang matukoy ang tunay na ikinasawi nito. RNT/SA