Home NATIONWIDE PH pinaka-prone sa kalamidad sa SEA: PAGLIKHA NG DDR, MULING IGINIIT NI...

PH pinaka-prone sa kalamidad sa SEA: PAGLIKHA NG DDR, MULING IGINIIT NI BONG GO

241
0

MANILA, Philippines – Muling kinilala ang Pilipinas bilang pinaka-prone ng kalamidad sa Southeast Asia, ayon sa ulat ng Asian Development Bank (ADB).

Sa halos 43 milyong disaster-related displacements na naitala mula 2014 hanggang 2023, ang bansa ay nananatiling lubhang mahina sa madalas na pananalasa ng mga bagyo, baha, at iba pang natural disasters na pinalala ng heograpikong lokasyon nito at epekto ng pagbabago ng klima.

Dahil dito, muling iginiit ni Senator Christopher “Bong” Go, ang kagyat na pangangailanga para sa isang mas matatag na diskarte sa disaster resilience at paghahanda sa bansa.

“Hindi na bago sa atin ang mga trahedyang dulot ng mga bagyo, lindol, at iba pang kalamidad. Bilang isang bansa na nasa typhoon belt at Pacific Ring of Fire, kailangan nating mas palakasin ang ating paghahanda upang mas maging ligtas ang ating mga kababayan sa tuwing may sakuna,” sabi ni Go.

Itinatampok ng mga natuklasan ng ADB na ang Pilipinas ay nangunguna sa Disaster Risk Index sa Southeast Asia, may markang 46.86, na nalampasan ang iba pang bansa sa rehiyon. Nabanggit din sa ulat na ang bansa ay nakararanas ng lima hanggang sampung mapanirang bagyo taun-taon, na malawakang pumipinsala sa imprastraktura at kabuhayan.

Si Go ay nangunguna sa pagsusulong ng mga hakbang na layong pahusayin ang pamamahala sa kalamidad. Kabilang dito ang Senate Bill No. 188, na kilala rin bilang Department of Disaster Resilience (DDR) Act, na lilikha ng isang espesyal na departamento na nakatuon lamang sa paghahanda at pagtugon sa sakuna, kung maisasabatas.

“Dapat mayroon tayong departamentong nakatutok lamang sa disaster preparedness at response na may klarong mandato at may cabinet-level secretary na tatayong timon pagdating sa ganitong sakuna at krisis,” ayon sa senador.

Binigyang-diin niya na ang isang nakatutok na diskarte ay magpapababa sa bureaucratic delays kapag napabilis ang mga pagsisikap ng iba’t ibang ahensya na may kaugnayan sa kalamidad. Mababawasan rin nito ang sosyo-ekonomikong epekto ng mga sakuna sa hinaharap habang tinutulungan ang mga komunidad na maging adaptable, disaster-resilient, at ligtas.

“Layunin ng panukalang ito na mapalakas ang ating kakayahan sa disaster risk reduction, paghahanda, pagtugon sa mga emerhensiya, at mabilis na pagbangon pagkatapos ng mga kalamidad,” paliwanag niya.

Bukod pa rito, co-sponsor at pangunahing may-akda rin si Go ng SBN 2451, o ang Ligtas Pinoy Centers Act, na magtatatag ng fully functional mandatory evacuation centers sa buong bansa.

Ang mga sentrong ito ay magsisilbing ligtas na kanlungan para sa mga apektadong residente sa panahon ng kalamidad at matiyak na ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng tirahan, pagkain, at tulong medikal ay natutugunan.

“Dapat nating patuloy na pagbutihin ang mga mekanismo — mula sa koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya at LGUs, ang preposisyon ng mga kalakal para sa tulong, paglikas, mga pagsisikap sa pagsagip, at hanggang sa muling pagtatayo, pagrekober, at pagpapanumbalik ng normal — upang maprotektahan ang mga buhay,” paliwanag niya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here