MANILA, Philippines – Mahigit 5,000 dayuhang mangagawa ng Philippine offshore gaming operators (POGO) ang bigong tumugon sa utos ng gobyerno na idowngrade ang kanilang mga visa.
Nagbabala si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi na maaaring magtrabaho ang mga dayuhang manggagawa maliban sa pag-aasikaso hanggang magsara na ang kanilang kumpanya matapos ipagbawal na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga POGO.
Ang visa downgrading ay nagbibigay pagkakataon sa mga dayuhan na ibalik ang status ng kanilang work visa sa temporary visitor visa upang mabigyan pagkakataon na ligal na makapagtrabaho sa bansa sa loob ng 59-day period.
Samantala, iniulat ng Bureau of Immigration na mahigit 12,000 foreign workers ng mga POGO ang nakapag-apply na upang idowngrade ang working visas.
Una nang idineklara ni Marcos na bawal na ang lahat ng POGO sa bansa at mayroon na lamang sila hanggang katapusan ng taon upang isara ang kanilang mga negosyo.
Karamihan kasi sa mga naturang negosyo ay nagagamit na sa mga iligal na aktibidad batay sa sunod-sunod na ginawang pagsalakay ng mga otoridad sa mga POGO hub.
Sinabi ni Remulla na karamihan sa mga foreign POGO workers na Chinese citizens ay ayaw nang bumalik sa kanilang bansa.
“There are many people who have not voluntarily downgraded their visas. This presents a dilemma to us because it shows that many of them really don’t want to leave the country,” ani Remulla.
Muling nagbabala ang kalihim na ituturing na illegal aliens ang mga dayuhang POGO workers matapos ang December 31, 2024. TERESA TAVARES