Home OPINION PBBM DADALHIN PINOY PRODUCTS SA WORLD MARKET

PBBM DADALHIN PINOY PRODUCTS SA WORLD MARKET

172
0

SINO pa nga ba ang dapat tumangkilik sa mga produktong Pinoy kundi tayo ring mga Pilipino lalo na’t hindi naman maikakaila na marami sa ating mga kababayan ang hindi lang malikhain kundi de-kalidad pa ang mga produkto.

Maging sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at First Lady Liza Araneta Marcos ay hindi napigilan ang humanga sa mga produktong Pinoy nang bumisita sila bilang mga panauhin sa ginanap na exhibit ng Manila FAME sa World Trade Center sa Pasay City noong nakaraang linggo.

Sa talumpati, sinabi ng Pangulo na maihahanay talaga sa mga de-kalidad at mamahaling produkto sa ibang bansa ang mga likhang Pinoy kaya pangako niya sa mga micro, small at medium enterprises o MSMEs na tutulungan silang makarating sa pandaigdigang pamilihan ang kanilang mga produkto.

Nakatawag pansin kay PBBM ay ang mga nilikhang mataas na kalidad ng lokal na produktong pambahay, mga high class na kasuotang pang-fashion, at mga produktong pamumuhay mula sa mga lokal na maliliit na negosyante at magagaling na artisano sa iba’t-ibang komunidad.

Ayon kay Presidente Marcos, naniniwala siya na mas mahihigitan pa ng mga likhang Pinoy ang mga produkto ng mayayamang bansa kung mabibigyan ng magandang exposure at promosyon ang mga produkto.

Kaya naman tagubilin niya sa Department of Trade and Industry at iba pang ahensya ng pamahalaan na tulungan ang MSMEs na maisulong ang kanilang mga produkto sa ibang bansa.

Ang hirap kasi sa ating mga Pinoy, hindi mawala sa atin ang paghanga sa mga produktong imported sa halip na suriin ang mga lokal na produktong gawa sa Pilipinas.

Kaya tama lang ang utos ni PBBM na dalhin sa world market ang mga produktong Pinoy dahil tiyak na papatok ang kanilang mga nilikha sa oras na masuri ng mga banyaga kung gaano kaganda at katibay ang ating mga likhang produkto.

Noong nakaraang taon, nakapag-ambag ang mga likhang Pinoy ng 7.1 porsyento sa gross domestic product  na aabot sa halagang P1.72 trilyon sa kanilang nilikhang mga produkto at serbisyo.

Siyempre, bukod pa ito sa nilikhang trabaho na aabot sa 7.26 milyong Pinoy kaya kung maisusulong sa pandaigdigang merkado ang mga likhang Pinoy, hindi malayong madoble ang magiging kontribusyon ng mga MSMEs, hindi lang sa pag-unlad ng bansa, kundi maging nalikhang mga trabaho.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here