ALL praises sina Interior Sec. Junvic Remulla at Philippine National Police chief PGen. Rommel Marbil sa Regional Police Office 3 dahil sa pagkakalutas ng pagpatay sa mag-asawang online sellers.
“One hell of a police operation,” kung ilarawan ng crime experts ang mabilis na solusyon sa pagpaslang kina Arvin Lulu, 34 at maybahay na si Lerma, 39.
Ang mag-asawa, na tinambangan sa Barangay Sto Rosario, Mexico, Pampanga bandang 4:30 ng hapon Oktubre 4, 2024, ay may-ari ng Sheer and Fab Beauty Supplies.
Ang broad daylight slaying ay nagdala nang takot sa mamamayan subalit ang kanilang pangamba ay napawi nang malakidlat sa bilis na paglutas sa naturang krimen.
Matapos ang ilang araw na paghahanap sa pagkakakilanlan sa mga salarin at pagtiktik sa kanilang kinaroroonan ay inilatag ang malakihang police operation.
Sa pamumuno ni Pampanga Police Director PCol. Jay Dimaandal ay isa-isang nalambat ang pitong suspek na nasa-likod ng murder ng mga Lulu, kasama ang mastermind.
Ang raiding teams ay binubuo ng Mexico Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit / Special Operations Group at Regional Police Special Operations Group.
Tumulong sa nasabing operasyon ang San Fernando City Police Station, 301st RMFB3 at 1st and 2nd Pampanga Provincial Force Companies.
Sa operasyon noong Oktubre 13, unang naaresto ang gunmen na sina Arnold Taylan, 52 at Arnel Buan, 27, ganoon din sina Robert Dimaliwat, 47 at Sancho Nieto, 42, na umaktong ambush spotter.
Sa sumunod na police raid noong Oktubre 14 ay nadakip sina Rolando Cruz, 49 at Jomie Rubandaban, 44, na ayon sa mga imbestigador ay nagsilbing middle men.
At Oktubre 15 ay natunton ang mastermind na si Anthony Limon, 43, na nagplano at nag-utos sa pagpatay sa mag-asawang Lulu dahil sa usapin ng milyones na utang.
Si Limon ay may utang na mahigit P27 million sa mag-asawang biktima kaya umano sinadyang pinapatay ang mga ito, ayon sa pagsisiyasat ng Pampanga police.
Ang pagkakalutas ng Central Luzon cops sa celebrated double murder case na ito ay nagbigay ningning, pinatingkad ang nagdedelikadong imahe ng PNP.
Kaya kudos sa bagong talagang PRO3 director na si PBGen. Red Maranan, PD Col. Jay Dimaandal at kasamang mga pulis sa matagumpay na operasyon na naging daan para malutas ang pagpatay sa mag-asawang Lulu.






