KUNG hindi ka mamatay sa kado-droga, may papatay sa iyo dahil sa droga, kahit pari ka pa.
Dalawang pangyayaring ganito ang mga nakatatakot na nangyari dahil sa droga sa mga panahong ito.
ONE DIRECTION KA LANG
Si Liam Payne, kamamatay lang kamakailan.
Sikat si Payne bilang singer, maging nang kasama pa lamang siya ng bandang One Direction.
Naglulundag ang mga kabataan sa tuwa kung nagpe-perform si Payne sa kinakanta nitong ‘Take Me Home’, ‘Strip That Down’ at iba pa.
Pero habang nasa tugatog ng tagumpay, bigla itong bumagsak nang literal mula sa ikatlong palapag ng isang hotel sa Buenos Aires, Argentina.
‘Yun pala, ayon sa mga nagsuri sa kanyang katawan, sabog na sabog siya sa droga.
Laman ng kanyang katawan ang pink cocaine na pinaghalong cocaine, shabu, ecstasy, crack cocaine (pawang pampataranta) at benzodiazepine at ketamine (parehong pampakalma).
May natagpuang puting droga at may foil na pangsinghot pa sa kanyang kwarto at mga basag na telebisyon at iba pang gamit.
Pagkatapos, nang high na high na siya, hayun, nahulog na siya mula sa balcony ng third floor ng hotel.
Anak ng tokwa, totoong One Direction ang sinapit nito === kamatayan.
PARI, KARDINAL KINATAY NG KARTEL
Sa Mexico naman, kalilibing lang si Father Marcelo Pérez na isang katutubo at lumalaban sa droga.
Riding-in-tandem ang pumatay sa kanya pagkatapos siyang lumabas sa simbahan ng San Cristóbal de las Casas, Chiapas, na roon siya nagmisa at inaalam pa kung alin sa dalawang kartel ang tumira sa kanya – kung Jalisco o Sinaloa.
Ngayon, isinisisi ng maraming Mehikano ang mga pagpatay sa nakaraang administrasyon ni Pangulong Andrés Manuel López Obrador na tila ipinagpapatuloy naman ng bagong Pangulo na si Claudia Sheinbaum ang hindi pakikipaglaban ng mga ito sa mga kartel.
Sa nakaraang 15 taon na naghahari ang mga kartel sa Mexico at sa gobyerno nito bilang narco-state, may 50 nang paring pinatay.
Kabilang dito si Cardinal Posadas Ocampo noong 1993 sa Guadalajara’s airport habang nakaabito at naghihintay sa pagdating ng ilang opisyal mula sa Vatican City.
Sabi ng mga awtoridad noong una, niratrat si Cardinal Ocampo sa akalang siya si El Chapo o Joaquín Guzmán na big boss ng Sinaloa cartel.
Pero habang nagtatagal, lumilitaw na taga-gobyerno ang pumatay sa kanya na palatandaan ng pagkontrol sa gobyerno ng mga kartel.
Itong si Ex-Mexican Secretary of Public Security Genaro Garcia Luna ang pinakamataas na opisyal ng Mexico na napatunayang kakosa ng Sinaloa cartel sa pagpapasok ng 1 milyong kilong cocaine sa United States na ikinamatay umano ng libo-libong Kano.
Tumatanggap din siya ng milyon-milyong dolyar na kikbak mula sa Sinaloa cartel bilang protektor nito.
Nitong Oktuber 16, 2024 lang, nasentensyahan ng 38 taong pagkakulong sa New York si Garcia.
Kabeso-beso nina US President Barack Obama at Secretary Hillary Clinton si Luna sa mga panahong iyon.
PAANO ANG PINAS?
Sinasabi ng marami, dapat daw magpasalamat ang mga nakaupo sa gobyerno ngayon dahil nawalis muna ni ex-President Digong Duterte ang droga sa gobyerno at sa bansa bago sila umupo.
Sey n’yo, mga Bro?






