Home NATIONWIDE Kaligtasan, kapakanan ng mga batang apektado ng bagyo pinatitiyak ng Senado

Kaligtasan, kapakanan ng mga batang apektado ng bagyo pinatitiyak ng Senado

138
0

MANILA, Philippines- Kinalampag ng isang senador ang ilang ahensya ng pamahalaan at local government untis (LGUs) na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng lahat ng batang apektado ng bagyong Kristine na nanalasa bansa nitong linggo.

Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na inaatasan ng batas ang Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tiyaking ligtas at sapat ang tulong na makukuha ng bata sa panahon ng kalamidad.

Partikular na tinutukoy ni Gatchalian ang Comprehensive Emergency Program for Children (CEPC) na nilikha sa pamamagitan ng Children’s Emergency Relief and Protection Act (Republic Act No. 10821) na dapat tiyakin na nasa ligtas na espasyo ang lahat ng bata; natutugunan ang kanilang pangangailangan sa kalusugan, nutrisyon, at kalinisan; mayroong psychosocial support; agarang magpapatuloy ang klase sa akmang panahon, at iba pa.

Ayon sa DepEd, mahigit 18.6 milyong mag-aaral sa halos 35,973 na mga paaralan ang apektado ng bagyo.

Iniulat din ng DepEd na 223 na mga silid-aralan ang tuluyang nasira, habang 415 naman ang bahagyang nasira dahil sa bagyong Kristine.

Ayon sa mga ulat, lumalabas mula sa pinakahuling datos ng DepEd na umabot sa P765 milyon ang halaga ng danyos sa imprastraktura—P557.5 milyon para sa reconstruction at P207.5 million para sa major repairs.

“Malinaw sa datos at sa ating karanasan na sa panahon ng kalamidad, humaharap sa matinding panganib ang mga kabataan. Dahil dito, mahalagang bigyan natin ng prayoridad ang kanilang kaligtasan at kapakanan, kabilang ang ligtas na pagpapatuloy ng edukasyon, sa gitna ng pananalasa ng bagyo at sa ating pagbangon mula sa pinsala ng kalamidad,” ani Gatchalian.

Inaasahan naman ng mambabatas ang pagsasabatas ng Ligtas Pinoy Center Act (Senate Bill No. 2451), isang panukala kung saan isa siya sa may akda at co-sponsor.

Isinusulong ng panukalang batas ang pagtatayo ng evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa buong bansa.

Sa ilalim ng naturang panukala, kabilang sa magiging pasilidad ng evacuation center ang ligtas na espasyo para sa kabataan at kababaihan.

Dagdag pa ni Gatchalian, makatutulong ang panukalang batas upang maiwasan ang paggamit sa mga silid-aralan bilang evacuation sites. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here