MANILA, Philippines – Tila ipinagtanggol pa ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang pagpaslang sa 17-anyos na si Kian Delos Santos dahil sa impormasyon na nakuha sa intelligence community na sangkot sa droga ang ama nito.
Sa kanyang pagsasalita sa ginanap na pagdinig sa war on drugs ng Senate Blue Ribbon committee, sinabi ni Dela Rosa na sangkot talaga ang ama ni Kian sa illegal drugs, pero hindi nito maalala na pusher ang tiyuhin.
Idinetalye ni Randy Delos Santos, tiyuhin ni KIan, kung paano “nasalanta” ang buong pamilya nito matapos akusahan ni Dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police, si Kian bilang drug courier ng kanyang ama at tiyuhin.
Nagulantang ang buong bansa sa pagpaslang kay Kian noong Agosto 16, 2016 matapos matuklasan sa CCTV footage na ibinasura ang pahayag ng pulisya na bumunot ng baril si Kian at lumaban kaya ito pinagbabaril sa C-3 Road sa Caloocan City.
Sinabi ng ilang saksi na nakapiring ang mata at binugbog si Kian bago ito patayin.
Naunang iginiit ni Dela Rosa noong 2017 na may impormasyon siya mula sa intelligence community na kilala ang ama ni Kian sa komunidad bilang siga at ginagamit ang menor de edad na estudyante na magdala ng droga.
“Si Kian ay ginagamit ng kanyang ama. Ang ama niya mismo ang user, mga uncle ang mga pusher diyan at ginagamit si Kian na courier. Kaya nag-surface ang pangalan niya sa area mismo,” ayon kay Dela Rosa noon.
“Pati ang intelligence community natin na nagko-conduct ng operation plan sa Caloocan mismo, ang mga kapitbahay doon takot mismo na magsalita ng against sa kanila dahil kilalang siga ang ama pati mga uncle niyan, siga sa lugar. Yan ang nasasagap ng ating mga intel operatives diyan sa area,” dagdag niya.
Ngunit, nitong Lunes, nagpahayag ng pakikiramay si Dela Rosa sa pamilya ni Kian sa brutal na pagpaslang ng pulisya sa estudyante.
Sinabi ni Dela Rosa na itinuro ng pulis na kasamang pumatay kay Kian na ininguso ng isalng drug suspect ang pamilya Delos Santos sa droga na nagsasabing ginagamit ang kanilang tindahan bilang pick-up point ng droga nang hindi nalalaman ng estudyante
“Dinadaan sa tindahan…si Kian nagbabantay sa tindahan, walang alam kung droga. Nadamay si Kian. ‘Eh bakit niyo binaril?’ Hindi nila masagot,” giit ni Dela Rosa.
Ayon kay Dela Rosa, sinabi ng sangkot na pulis na nagtutulak ng drog ang ama nito, sa pagsasabing “walang ngipin si Zaldy Delos Santos na pawang ebidensiya na isa itong drug addict.
“Tunaw na tunaw ‘yung panga, tunaw na tunaw ‘yung ngipin. User ‘yan, sir, sabi ng police operative sa Caloocan. Kung involved ‘yung uncle, hindi ko na maalala…I hope this body can be enlightened,” ayon sa senador.
Napatunayang guilty ang tatlong pulis na pumatay kay Kian na sina Arnel Ores, Jeremias Pereda t Jerwin Cruz at nasentensiyahan ng reclusion perpetua.
Sa kanyang testimonya sa komite, ibinasura ni Randy delos Santos ang paniniwala ni Dela Rosa dahil kilala sila sa komunidad bilang miyembro ng Jehovah’s Witnesses at hindi drug pusher.
“Totoo po na kilala kami pero hindi siga kundi mga Saksi ni Jehovah, kumakatok at nagbabahay-bahay at nagbabahagi ng salita ng Diyos,” aniya.
Iginiit ni Randy na dulot ng “malicious and erroneous” na akusasyon ni Dela Rosa, lubhang naapektuhan ang buong pamilya nito dahil inilantad sila sa telebisyon bialng drug pushers.
Aniya, tinanggal siya sa trabaho dahil sangkot umano siya sa droga habang inilagay sa witness protection program ang kanyang kapatid
“Inalis po ako sa trabaho. May mga magulang ako at may mga anak ako… Baka kami na ang isunod. Ang aking kapatid ay dinala sa witness protection program. Naiwan po ako sa labas. Takot po ako dahil markado na ho ako,” aniya.
Tumutulong ngayon si Randy bilang field coordinator ng Project Paghilom, which sa pamilya ng 312 victims ng extrajudicial killings.
Iginiit pa ni Randy na walang inimbestigahan ang pulisya sa 312 EJK matapos lumagda umano ang pamilya ng biktima na nagsasabing wala na silang interes sa Pagsasampa ng kaso.
Aniya, may ilang biktima na mayroong death certificates na nagsasabing “namatay sila sa natural causes.
Pero, taliwas ito sa awtopsiya na isinagawa sa mga biktima kabilang si Kian kahit ilang taon na nagpapakitang kung paano sila pinatay ng pulisya na sangkot sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sinabi ni Delos Santos na hindi pa nila nakakamit ang kabuuan ng katarungan dahil absuwelto ang tatlong pulis na pumatay kay Kian sa pagtatanim ng ebidensiya tulad ng droga at baril.
Kasabay nito, sinabi pa ni Randy delos Santos na na-stroke ang kanyang kapatid matapos ang paglilitis. “Kalahati ng katawan niya lantang gulay.
Aniya, matutunghayan sa burol ni Kina na inosente ang kanyang pamilya sa droga na ipinagpipilitan ni Dela Rosa base sa intelligence report at mahigpit na pinabulaan ang kaanak at kaibigan nin Kian na sangkot ito sa droga.
“Wala ho siya sa listahan. Hindi ho siya nagbebenta ng droga. Inosente po at nag-aaral po sa isang pribadong paaralan,” aniya. Ernie Reyes