MANILA, Philippines- Sinabi ng National Bureau of Investigation na hindi bibigyan si Vice President Sara Duterte ng listahan ng mga itatanong sa kanya sa gitna ng imbestigasyon kaugnay sa kanyang pahayag laban kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, una nilang itatanong kay Duterte ang tungkol sa taong sinabi niyang kinontrata niya para patayin ang Pangulo kung magtagumpay ang isang plano laban sa kanya, gayundin ang banta umano sa kanyang buhay.
Nakatakdang humarap si Duterte sa NBI noong Nobyembre 29 upang bigyang-linaw ang kanyang pahayag na nagbigay na siya ng utos na ipapatay sina Marcos, First Lady Liza Araneta Marcos, at Speaker Ferdinand Martin Romualdez kung siya mismo ang mapatay.
Gayunman, hiniling ng kampo ng Bise Presidente sa NBI na muling itakda ang pagdinig. Ikinasa ito sa Disyembre 11 para bigyan siya ng mas maraming oras para maghanda.
Hiniling din ni Duterte sa NBI na bigyan siya ng mas malinaw na kopya ng reklamo laban sa kanya at iba pang dokumento na nagpasimula ng imbestigasyon, pati na rin ang listahan ng mga tanong na balak itanong sa kanya ng NBI.
Ayon kay Santiago, ang koordinasyon ng Bise Presidente sa imbestigasyon ay makatutulong sa NBI na makakuha ng karagdagang impormasyon tungkol sa mga umano’y banta sa kanya at kay Marcos, na parehong inaatasan ng ahensya na protektahan.
Inihain ng NBI ang subpoena kay Duterte noong Martes kasunod ng kanyang kontrobersyal na pahayag sa isang media conference sa House of Representatives kung saan nakakulong si Office of the Vice President (OVP) chief of staff at undersecretary Zuleika Lopez matapos siyang ma-contempt. Jocelyn Tabangcura-Domenden