SADYANG “may asim” pa rin ang ‘mainstream media’ kung pagtawag sa atensyon ng mga kinauukulan ang pag-uusapan, mga kabayan.
Dangan kasi, nalaman natin na sa pagdinig ng House QuadComm noong Nobyembre 27, binanggit na ni Sta. Rosa City, Laguna Rep. Dan Fernandez, ang pangalan nitong si ‘Lin Jin,’ isang ‘POGO player’ na kasabwat, ehek, kasamahan, ni Michael Yang at kapatid niya na si Tony Yang.
Kung babalikan, dear readers, may dalawang beses na nating isinulat itong si Lin Jin na mas kilala sa ‘Fil-Chinese community’ bilang ‘Richard Lim.’
Kay Lin Jin/Richard Lim “ipinagkatiwala” ni Michael Yang ang ‘Xionwei Technology,’ ang kanyang ‘POGO company,’ nang sumabit na si Yang sa ‘Pharmally Scandal’ noong 2021, nang imbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga transaksyon ng Pharmally sa panahon ng ‘COVID pandemic.’
Sa “papel,” lumalabas na itong si Rose Nono Lin at asawang si Allan Lin ang “nagmamando” sa Xionwei. Ipinipilit naman ng mga miron na si Lin Jin ang totoong nasa likod nito dahil sa kanya nga ito ipinasa ni ‘MY.’
Noong 2022, ‘nung si Lin na ang nagpapatakbo sa Xionwei, kinumpirma ng Philippine National Police -Anti-Kidnapping Group na isa ang Xionwei sa kanilang iniimbestigahan sa limang insidente ng Kidnap-for-ransom na ang biktima ay mga Chinese.
Sa katunayan, may kasong ‘grave coercion’ at ‘out on bail’ ngayon itong si Lin dahil na rin sa reklamong KFR nang isa umano niyang biktima na nangyari noon ding 2022.
Nais ngayong maliwanagan ng Quadcomm kung sino nga ba itong si Lin Jin? At bakit sa tagal na ng imbestigasyon, kailanman ay hindi siya “ikinanta” ni Rose Lin at kahit ni Tony Yang na ngayon ay nasa kustodiya rin ng gobyerno?
Ayon pa sa mga miron, bago “nadakma” itong si Tony nitong Setyembre sa Ninoy Aquino International Airport, si Lin Jin ang palagi niyang kasama sa Cagayan de Oro, kung saan malaki rin ang Philippine Offshore Gaming Operators nila doon.
Abangan!






